Pinas News
AYON sa isang pag-aaral na ginawa noong 2008, mas mainit ang temperatura ng Maynila ng 2.96 degrees kumpara sa mga nakapaligid na rural na lugar. Ito ay epekto ng tinatawag na island heat effect.
Ang Maynila, lalo na ang gitnang bahagi nito, ay isang Urban Heat Island o UHI.
Maraming sanhi ang pagiging UHI. Ang tambak at nabubulok na mga basura, magkakatabi at magkakadikit na mga bahay o gusali, ang mga materyales na humahawak sa init, mataas na bilang ng populasyon at pagsisiksikan ng mga tao, at iba pa.
Maging sa gabi, dahil pinipigil ng mga gusali, bangketa, at paradahan ang init na nagmumula sa lupa upang dumaloy pataas sa malamig na kapaligiran, ang init ay nakukulong at ang temperatura ay mas mainit sa mas mababang lugar.
Ito ang magpapaliwanag kung bakit mas mainit talaga sa mga lunsod kumpara sa iba pang lugar.
Ngayong Pebrero at nitong nakaraang Enero, may kalamigan ang panahon. Di alintana ang UHI sa ngayon. Subalit paano na naman sa papasok na tag-init? Nakababahalang maaari nating danasin ang kailan lamang ay dinaanan ng Australia.
Libu-libong hayup, kabilang pa nga ang mga isda, ang nabalitang namatay sa labis na init sa bansang Australia nitong nakaraang Disyembre at Enero. Ilang matinding heat wave ang dinanas nila doon. Umabot naman kasi sa higit 42 degrees ang temperatura sa maraming lugar doon. May mga lugar pa nga kung saan tumindi pa sa 50 degrees ang init! Sa tao, makamamatay na ang ganitong kalagayan.
Kung ang mismong Australia na isang maunlad na bansa ang halos napaluhod sa ganitong karanasan at tunay na nabagabag, paano na tayo?
Kung tataas sa 50 degress ang paligid ng Maynila, maaaring umabot sa 53 degrees ang init sa gitnang-Maynila!
Dapat maipaalam at maipaliwanag sa mas marami pa ang bantang ito. Maghanda tayong lahat. Ang mga lokal na pamahalaan, lalo na, sapagkat kailangan ang pamumuno sa isang pangmalawakang usapin at ang pagharap sa mga dapat gawing hakbang.