Ni: Shane Elaiza E. Asidao
ISA ang Pasko at Bagong Taon sa mga okasyon na karaniwang hinihintay ng marami sa atin upang ipagdiwang. Nariyan ang iba’t ibang uri ng paraan sa paghahanda tuwing sasapit ang mga okasyon na ito. Katulad na lamang ng pagbili ng mga panregalo kapag sasapit na ang Pasko.
Mayroon din namang naglalakbay kasama ang pamilya, kaibigan o kasintahan hanggang matapos ang holiday season. Masiglang sinasalubong ng lahat ang Pasko at Bagong Taon dahil dito nagsasama-sama ang buong pamilya at madalas na nagbibigay ito ng pahinga mula sa stress na dinanas mula sa araw-araw na gawain sa buong taon.
Ngunit, hindi lamang ang dalawang okasyon na ito ang masayang sinasalubong ng lahat. Matapos ang Pasko at Bagong Taon, pinakahihintay ng marami ang Araw ng mga Puso na ginaganap tuwing buwan ng Pebrero.
Kahit na maaaring ipagdiwang ang okasyon na ito kasama ang pamilya o kaibigan, kilala ang Valentine’s day bilang okasyon nang pagpapalitan ng mga regalo gaya ng tsokolate, bulaklak, o sulat ng magkasintahan.
Sa kabilang banda, mayroon pa ring mga naghihintay na dumating ang tamang oras para sa kanila na magkaroon ng kasamang gunitain ang Araw ng mga Puso.
Para sa mga single, ano nga ba ang puwedeng gawin sa Valentine’s Day?
Magbakasyon
Marami mang magkasintahan ang lalabas sa araw na ito, maaari mo rin ito ipagdiwang gaya ng pagpunta sa iyong gustong destinasyon tulad ng mga beach resorts o umakyat ng bundok, ang mag hiking para mag-unwind. Maaari rin itong oportunidad na magkaroon ng oras para sa iyong sarili sa paraan na iyong gusto katulad ng pagpunta sa mga spa, museo, mamili sa mall, mag-foodtrip, at iba pa.
Yayain ang barkada o pamilya
Isa sa madalas nating gawin ang panonood ng iba’t ibang palabas o mag-movie marathon. Puwedeng manood ng mga romantic films o serye na kasama ang barkada na tiyak na magpapakilig at magpaparamdaman ng simoy ng pag-ibig sa Araw ng mga Puso. Maaari rin maglaro ng board games o console games kasama sila. Dahil walang hihigit pa sa bonding na kasama ang iyong mga mahal sa buhay.
Gayunpaman, ang kusang pagbibigay ng pagmamahal ang isa sa pinakamakabuluhang bagay na puwedeng gawin sa araw na ito. Halimbawa na lamang ang pagbibigay ng tsokolate, bulaklak, letter of appreciation, o materyal na regalo sa katrabaho, kapamilya o kaibigan. Dahil darating din ang panahon na makakasama mo nang gumunita ng Valentine’s day ang kabiyak mo sa buhay.