Ni: Louie C. Montemar
SA PAGSASARA nitong linggong nakaraan, iniutos ni Secretary Alfonso G. Cusi ng Department of Energy (DOE) ang imbestigasyon sa lagay ng ilang mga planta ng enerhiya dahil sa kanilang biglaan at panandaliang pagsasara.
Kabilang dito ang planta sa Mariveles, Bataan ng mga grupong Ayala at Aboitiz, ang Malaya thermal power plant ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM), ang Calaca coal-fired facility ng grupong Consunji, ang ikalawang yunit ng South Luzon Power Generation Corp. (ng grupong Consunji rin), ang 150MW Unit 1 ng South Luzon Thermal Energy Corporation (Ayala), at, ang ang ikalawang yunit ng San Miguel power group.
Umabot sa 1,226 megawatts (MW) ng kuryente ang nawala sa sistema ng power generation. Dagdag pa rito, bumaba naman ang produksiyon ng enerhiya sa Masinloc unit 1 at 2, pati na ang planta sa Pagbilao.
Kailangan talagang bantayang maigi ng DOE ang operasyon ng mga planta ng kuryente para sa mga ganitong hindi naka-iskedyul na pagsasara. Kapag may mga biglaang tigil-operasyon ng mga planta sigurado ang biglang pagtaas na naman ng presyo ng kuryente lalo na sa panahon ng peak demand sa mga buwan ng tag-init.
Ang peak demand ang naitatalang pinakamataas na pangangailangan ng mga konsyumer sa isang tukoy na panahon.
Ang totoo, hindi na dapat nakakagulat na magkaroon ng mga ganitong pag-alerto sa suplay ng kuryente. Marami sa ating mga planta ay luma na at gumagamit ng teknolohiyang napaglipasan na.
Kaya’t kailangang-kailangan na ng kagyat at istratehikong pamumuhunan sa sektor ng enerhiya at ang pagpapadulas ng mga pamumuhunan dito.
Harapin natin ang isyung ito dahil hindi natin mapalalago pa ang ating ekonomiya kung kulang tayo sa enerhiya.
Huwag na nating hintaying maging red alert pa ang yellow alert.