Bumuhos ang emosyon matapos tuluyang makamit ng Arellano ang ikatlong sunod sunod na kampyeonato.
Ni: Eugene B Flores
HINDI nagpatinag ang Arellano University Lady Chiefs kontra sa University of Perpetual Help Lady Altas upang masungkit ang ikatlong sunod na kampyeonato sa women’s NCAA Volleyball sa kanilang do-or-die game three na ginanap sa Fil Oil Flying V Arena sa San Juan.
Itinanghal bilang Finals MVP si Regine Arocha, ang kanyang ikalawang sunod na parangal, samantalang patuloy na rumatsada ang season MVP na si Necole Ebuen upang madepensahan ang korona.
Naghahangad ng ikatlong kampyeonato ang Perpetual sa season 94 kung saan inuwi ng junior at senior men’s team ang korona, ngunit bigo itong lagpasan ang Lady Chiefs na nagpakita ng championship experience upang makabalik at manalo sa torneyo.
Inaalay naman ng Lady Chiefs coach na si Obet Javier ang pagkapanalo sa yumaong si Nes Pamilar, ang kanyang mentor pagdating sa coaching. Binigyan din ng papuri ni coach Obet ang Lady Altas sa ibinigay nitong magandang laban.
Unang nagkamit ng panalo ang Lady Altas ngunit bigong tapusin sa game two matapos ang isang solidong bakbakan na umabot sa limang set hanggang umabot sa game three na dinomina ng defending champions.