BLOKE-BLOKENG cocaine natagpuang lumutang sa karagatan ng Surigao del Sur, Davao Oriental at Aurora.
Ni: Jonnalyn Cortez
KASUNOD ng nakakagulat na ulat tungkol sa naglutangang bloke-bloke ng cocaine sa karagatan ng Surigao del Sur, Davao Oriental at Aurora, hinimok ni Senate President Vicente Sotto III ang Pangulong Rodrigo Duterte na muling buhayin ang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) upang maiwasan ang pagpasok ng iligal na droga sa bansa, lalo na sa mga baybaying dagat.
Inamin ng presidente kamakailan na isang pagsubok ang pagbabantay sa mga shorelines, at marahil ang Medellin drug cartel ang nasa likod ng pagpasok ng cocaine bricks sa ating karagatan.
Inihayag ni Sotto na mas mahaba ang baybaying dagat ng Pilipinas kumpara sa United States, kaya lubhang nahihirapan ang Philippine coastguard na mag-monitor.
Dito naman papasok ang BADAC, na maaaring magkaroon ng malaking papel sa pagpigil ng pagpasok ng droga dahil mas masusubaybayan ng mga lokal na opisyal ang kanilang lugar.
Si Sotto ang may-akda ng BADAC na nakapaloob sa Republic Act (RA) 9165. Sa kasamaang palad, hindi ginamit ng nakaraang administrasyon ang naturang batas kahit pa ipinangako ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pag-activate nito.
“DILG was saying that they were activating it some time ago but very few followed. In fact, the more important ones covering the islands are not activated,” wika ng senador.
Nagsampa ng kaso ang DILG laban sa mga opisyal ng barangay na nabigong ayusin ang BADAC sa kanilang lugar.
Sa isang memorandum na inilabas ng DILG noong Hunyo 2015, binago ang BADAC upang bigyang-diin ang papel nito sa programa ng pamahalaan na pigilan ang pagkalat ng iligal na droga. Dapat umanong kabilang at pinapangunahan ng barangay ang pagsugpo sa droga.
Naglabas rin ang DILG at ang Dangerous Drugs Board noong Mayo 2018 ng isang joint memorandum na nagsasaad ng patnubay sa pagpapatupad ng tungkulin at pagiging epektibo ng lokal na anti-drug abuse councils.
SOLUSYON SA PAGPASOK NG ILIGAL NA DROGA
Iminungkahi ni Sotto na maaaring maging solusyon ang paggamit ng BADAC sa matagal nang problema ng bansa sa pagpasok ng iligal na droga sa mga baybaying dagat.
“That problem has been there for a long time and that is why I created the BADAC in RA 9165,” pahayag ni Sotto na siya ring author ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Dagdag pa ni Sotto, kumpara sa US na may kumpletong mekanismo upang bantayan ang kanilang shorelines, hindi kumpleto ang kagamitan ng Pilipinas.
“Our shoreline is longer than the US shoreline yet our Coast Guard is not as equipped as theirs,” wika ng dating vice mayor ng Quezon City.
Bunsod nito, ang muling pagbuhay ng BADAC ay magiging malaking tulong para sa administrasyong Duterte na pigilan ang shipment ng iligal na droga sa tulong ng barangay sa bawat isla, na mamumuno sa kampanya laban sa droga sa kanilang lugar.
“But there is a barangay in every island; therefore, activating the BADAC would greatly help,” paliwanag niya.
Sinabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian na kailangang tukuyin ng mga anti-drug operatives ang mga namumuno ng drug cartels na nagpapasok ng iligal na droga sa bansa. “So that the full force of the law can be imposed upon them,” pahayag ng dating mayor ng Valenzuela.
ANO ANG BADAC?
Tinuturing na grassroots program ng DILG ang BADAC na naglalayong organisahin ang opisyal ng barangay at iba pang kinauukulan bilang unang linya ng depensa sa pagsugpo sa mga krimen na may kaugnayan sa droga sa kanilang lugar.
Binubuo ang konseho ng punong barangay bilang chairperson at ng miyembro ng sangguniang barangay, na siyang chair ng peace and order committee bilang vice chairperson.
Ilan sa mga miyembro nito ay ang miyembro ng sangguniang barangay na siyang chair ng committee on women and family, sangguniang kabataan chair, principal ng pampublikong paaralan o kanyang representante, executive officer o chief ng tanod, at isang representante mula sa bawat organisasyon na may kinalaman sa relihiyon o non-government organization.
Magsisilbi namang adviser ng BADAC ang municipal chief ng siyudad, pulis o kanyang representante.
MAHIGPIT NA SCREENING
Matapos ang pagkaaresto ng isang miyembro ng BADAC sa buy-bust operation sa Cebu City, iminungkahi ni Cebu City Police Office (CCPO) director, Senior Supt. Royina Garma ang mahigpit na proseso ng pag-screen ng mga miyembro ng naturang konseho.
Dagdag pa niya, kailangan ding i-monitor ang aktibidad ng bawat miyembro sa oras na maging parte na sila ng BADAC.
“It’s very alarming kaya meron tayong BADAC because they should help or stop the proliferation of illegal drugs,” pahayag ni Garma.
“When you’re a member of BADAC, you’re supposed to be the model. And if you’re engaged in illegal drugs, it’s very bad.”
Kailangan din mag background checks ang opisyal ng barangay sa kanilang miyembro paminsan-minsan.
Nais din hingin ni Garma ang ligal na opinyon ng DILG ukol sa kanyang proposal. “We will refer it to the DILG in Cebu City,” wika niya.
Sa ngayon, hinihikayat ni Garma ang lahat ng istasyon ng pulisya na patuloy na makipag-ugnayan sa BADAC sa kani-kanilang lugar upang labanan ang pagkalat ng iligal na droga.
REORGANIZATION SA PAMPANGA
Sumailalim sa reorganization ang lahat ng BADAC sa 505 barangay sa Pampanga.
Sa isang campaign rally na dinaluhan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at administration senatorial candidates Francis Tolentino, Ronald de la Rosa at Bong Go, kanilang hinikayat ang mga miyembro ng BADAC na huwag mapapagod magsikap na linisin ang kanilang barangay sa pinagbabawal na gamot.
“There can be no real economic growth without a stable peace and order situation,” wika ni Tolentino.
Dagdag naman ni De la Rosa, tumatakbo siya bilang senador upang tulungan ang pangulo na linisin ang bansa sa iligal na droga at krimen.
Pinayuhan din ng dating director general ng Philippine National Police (PNP) ang miyembro ng BADAC na bantayan at protektahan ang pamilya bilang istratehiya para iiwas ang kabataan sa bawal na gamot.
Sa karagdagan, hinimok ni Vice Governor Dennis “Delta” Pineda ang iba’t-ibang sektor na tulungan ang BADAC upang magampanan at ma-improve ang kanilang gawain.
“If you go easy, drug syndicates, peddlers, and users come back. Our villages need to be safe,” pahayag ni Pineda.