HALIMBAWA ng isang ginang na nasa proseso ng paghahalo ng mga sangkap para sa baking.
By: Kristine Joy Labadan
NALILIGAYAHAN ka ba sa pagbi-bake? O baka naman mahilig kang manood ng mga palabas sa telebisyon na may kinalaman sa baking at nagbabalak na sumali roon para mapanalunan ang pinakamalaking premyo para magkaroon ng sarili mong panaderya? Kung ganoon, tuklasin na ngayon kung paano pagkakitaan ang iyong hilig sa pagbi-bake ng masasarap na pagkain.
Ang negosyong baking ay naging popular ilang taon na ngayon sa maraming praktikal na kadahilanan. Nariyan ang impluwensiya ng telebisyon, ng social media at ng word of mouth. Nakatulong din ng malaki ang makabagong teknolohiya sa mga gamit pang kusina at baking.
Sa mga home baking enthusiast na nagsimula ng home-baking bilang hobby o pampalipas oras, may ilan na ring naging matagumpay sa itinatag na small home-based business. Kahit hindi umuupa ng pwesto sa mall o magtayo ng tindahan, naibebenta ang kanilang produkto sa pamamagita ng Facebook account hanggang sa ito ay lumago.
Sa unang tingin mukhang madali at masaya lamang pumasok sa home-based baking bilang negosyo, subalit may ilan pa ring dapat isaalang-alang sa pagpapatakbo ng ganitong negosyo bago ito tuluyang subukan.
ADVANTAGES NG HOME-BASED BAKING
- Lalong magiging malikhain at makakadiskubre ng mga paraan para mabigyan ng twist ang mga bini-bake.
- Madaling magsimula kung may mga naihanda ng mga materyales at kagamitan na para sa pagluluto at pag bi-bake.
- Hindi nalalaos ang mga baked na pagkain.
- Maaaring maibenta mapa-lokal o online man.
DISADVANTAGES NG HOME-BASED BAKING
- Ang negosyong may kinalaman sa pagkain ay sumasailalim ng mga regulasyon ng Department of Health, partikular na ng Food and Drug Administration. Dapat alamin at pag-aralang mabuti ang mga batas na may kinalaman sa pagbibenta ng mga pagkaing gawa sa bahay.
- Kapag seryoso nang pumasok sa ganitong hanapbuhay matapos ang ilang taong pagbebenta ng home-baked bread and pastries o iba pang home-baked foods, maghanda para sa susunod na lebel. Mag-ipon ng mga kagamitan at materyales para dito na hiwalay sa personal na mga gamit sa kusina.
- Kung sakaling magustuhan ng iyong mga kamag-anak at kaibigan ang iyong mga luto, maaaring hindi naman ito magustuhan ng iyong mga kostumer. Papasok dito ang focused ngunit informal market survey o taste testing sa maliliit na grupo tulad ng iyong mga kasamahan sa trabaho o sa iyong church group. Maging systematic lamang at itala ang mga feedback at komento ng lahat. Iwasan ang pag survey sa malalapit na kamag-anak o kaibigan. Hindi mo makukuha ang pulso ng iyong market sa ganitong paraan.
MGA KAKAILANGANIN
- Sapat na kakayahan at kaalaman sa paghahanda ng pagkain at potensyal na mga isyu sa diet. Halimbawa ay ang pagpapaalam sa mga kostumer na ang iyong mga niluto ay may sangkap na mani upang maipaalam ito kaagad sa mga taong maaaring may allergy dito.
- Hustong supply ng mga sangkap na gagamitin sa pagbi-bake at lugar o silid na paglalagyan sa mga ito, regular na pamamalengke, at maayos at reliable na suppliers.
- Mga lisensya na nakahanda para sa inspeksyon dahil tiyak na darating ang inspector na maaaring bumisita sa ‘yong tahanan na walang matagal na abiso. Maging laging handa para rito. Siguruhing maayos at malinis ang work area sa araw-araw. Magandang masanayan ito sa umpisa pa lamang.
PAG-UUMPISA NG NEGOSYO
Kung handa ka nang mamuhunan sa pagbi-bake, alamin ang mga hakbang sa opisyal na pag-uumpisa ng iyong negosyo.
- Pag-aralan ang mga batas at regulasyon na may kinalaman sa mga negosyo ng pagkain
- Kumuha ng mga kinakailangang lisensya at pahintulot upang legal na maumpisahan ang iyong negosyo. Makukuha ang mga impormasyon na ito sa tanggapan ng lungsod o probinsya na may sangay ng DoH o FDA. Maaari ring makuha ang mga detalye at iba pang kakailanganin sa pagpapa-rehistro sa mga online sites ng mga namamahala rito.
- Kumausap ng kwalipikadong opisyal kung dapat bang maglagay ka ng buwis sa iyong mga ibebenta. Kadalasan ay nakukuha rin sa online sites ang mga sales tax permit nang libre. Maliban roon ay kailangan mo ring magbayad ng sales tax bawat buwan o di naman kaya’y bawat apat na buwan.
- Magdesisyon ng kung ano ang mga pastries na ibebenta. Sa pag-uumpisa, madaling pagtuunan ng buong pansin ang isa hanggang dalawang klase ng produkto, tulad ng tinapay o cookies. Sa pang-matagalan at sa unti-unting pagyabong ng iyong negosyo, mabuting alamin ang iba pang pwedeng pamuhunan, at kung ano ang iba pang gusto ng iyong mga kostumer.
IBA’T-IBANG klase ng pastries na maaaring pagkakitaan.
Huwag magmadali dahil mahalaga rin ang inventory controls. Hindi mo ito magagawa kung marami kang produktong ibebenta sa umpisa. Magpokus muna sa dalawa hanggang tatlong magkakauring produkto. Sa ganitong paraan mo rin ma-establish ang iyong presence at identity sa iyong target market.
Maganda rin itong pagtuunan ng pansin dahil sa pamamagitan nito mapalawak pa ang iyong menu sa maayos na paraan at sa tamang panahon. Hindi lang ito dapat isagawa nang biglaan bagkus ay dapat ding alamin kung paano ito aangat sa iba pang negosyo na nagbibenta rin nito. Halimbawa ng mga ito ay kung gawa ba ito sa mga purong organikong sangkap? Gluten-free ba ang mga ito?
- Gumawa ng detalyadong plano para sa itatayong negosyo.
- Bumili ng hiwalay na lutuan at suplay bukod sa sariling mga kagamitang personal sa kusina sa bahay. Kung may lugar, mas maiging maghanda ng hiwalay na kusina at pantry —kahit maliit lamang —para sa iyong home-baking. Ito rin ay mahalaga sa paghihiwalay ng personal na mga kagamitan sa mga pang-negosyo.
- Magkaroon ng kaayusan. Marapat na maglagay ng mga pangalan para sa mga produktong gagawin at lagyan ng lebel kung kailan binili ang bawa’t lalagyan ng mga sangkap sa pag bi-bake dahil tiyak na i-re repack ang mga sangkap sa maliliit na lalagyan.
- I-bake ang mga pagkain; ibenta ang mga ito ngunit bago iyon ay dapat mayroon kang nagawang marketing plan na naglalaman kung paano mo hahanapin at maaabot ang merkadong gusto mong pagbentahan ng mga pastries.
MAPA-KAHIT ano and edad, mahilig kumain ng pastries.
Ilan sa mga ideya na maaaring subukan kung magiging epektibo ay ang pagbibenta ng mga ito sa mga ilang pamilihan, online, pag-subok na itinda rin sa mga lokal na cafes, restaurants, at iba pang tindahan o bilihan na nagtitinda ng pagkain.
Maliban sa mga nabanggit ay maaari ring pagkakitaan ang isang food blog na malaki din ang maitutulong sa pagpapaunlad ng iyong mga produkto. Hindi lang yon, maaari ring pagkakitaan ang mismong blog na iyong gagawin, kung sakali.