Ni: Dennis Blanco
HINDI maitatanggi na ang mga netizens ay mayroong malakas na boses sa Internet at ginagamit nila itong plataporma sa pagpapahayag ng kanilang opinyon at saloobin sa samu’t saring isyu, maging usaping politikal, sosyal, ekonomikal at moral na kinasasangkutan ng tao at lipunan. Subali’t hindi rin maikakaila na ang mga netizens din ay may mga ginagawa na maituturing na cyber crimes.
Inilantad ni Jaishankar (2011), sa kanyang aklat na “Cyber Criminology: Exploring Internet Crimes and Criminal Behavior” ang kontradiksyon sa mga kalayaan at karapatan ng mga netizens sa mga etika at responsibilidad ng mga netizens sa paggamit ng Internet. Ayon sa kanya “ang mga taong tiwali na naninira ng mga makina (computer) sa pamamagitan ng makina ay nagsimula na ring siraan at atakihin ang mga tunay na tao sa pamamagitan ng makina”.
Inilahad ni Koops and Brenner (2006), ang sosyal, ekonomiko, moral at politikal na epekto ng cybercrimes sa buong mundo ng kanilang binigyang diin na, “ang cybercrime ay isang pangunahing halimbawa ng cross-border crime. Ang mga computer networks ay magkakakonekta saan mang panig ng mundo at ang mga masasamang loob ay kayang magpalaganap ng lagim habang sila ay nakaupo lamang sa kanilang higaan sa loob ng bahay gamit ang kanilang wireless na laptop.”
Para naman kay Wall (2007), may apat na uri ang cybercrimes: 1) cybertrespass na kinapapalooban ng pagpunta sa mga cyberspace boundaries na pag-aari na ng iba, 2) cybertheft na tumutukoy sa iba’t-ibang uri ng pagnanakaw sa cyberspace, 3) cyber obscenity na sumasaklaw sa kalakal ng mga malalaswang materyales sa cyberspace, at 4) cyber violence na inilalarawan ang epekto ng karahasan ng mga cyber activities ng isang indibidwal at grupo sa kapwa nitong indibidwal at grupo.
Sa magkahiwalay na gawa ni Wall (2000) ay dinagdag niya na ang puso ng debate hinggil sa cybercrime law ay kinapalooban ng magkasalungat na opinyon ng mga “regulators” at “cyberlibertarians” na kung saan ang una ay panig sa pagpasa nito dahil ito ay tungkulin ng gobyerno lalo na ng lehislatibo at ang huli ay salungat dito bilang bahagi ng paggalang sa karapatang pantao.
Malinaw na ang pangunahing layunin na pagpasa ng anti-cybercrime law ay para masugpo ang mga katiwaliang nagaganap sa cyberspace sa pamamagitan ng pag-regulate sa asal, gawi at ugali ng mga gumagamit ng Internet. Ito ay batay sa paniniwala na hindi lahat ng gumagamit ng Internet ay mabuting tao at ang mga gumagamit ng search engines tulad ng Yahoo at Google, ganun na rin ng mga social media tulad ng Facebook, Twitter, Instagram at YouTube, ay may partikular na tendensiya rin na manakit at manira ng mga kapwa tao, grupo at institusyon lalo na kung walang batas na siyang nag-kokontrol dito. Dagdag pa rito ang lawak ng implikasyon ng cybercrime hindi lamang sa isang bansa kung hindi na rin sa buong mundo lalo na kung ang paglabag ay may kaugnayan sa cyberhacking, cyberterrorism at cyber theft.