Ni: Louie C. Motemar
Sabi ng isang kampo, “Magdebate tayo.” Sagot naman ng isa: “Basta hindi ‘palengke style’.” Ayon naman pala. Ayon naman pala… Pwede bang simulan na? Pakiasikaso na nga COMELEC.
Ano naman kasi ang pagbabatayan talaga nating mga botante sa pagpili ng mga kandidato? Ang dami nila at medyo lugi pa ang iba kasi wala silang kakayanang umikot sa buong bansa at magpamudmod ng mga campaign materials gaya ng iba. Popularidad na lamang ba ang pagbabatayan namin ng aming desisyon?
Paano huhugutin ang impormasyon para maikumpara ang mga kandidato? Magbabasa tayo? Makikinig ng mga paid ads? Manonood ng mga programa sa mga bayan-bayan? Maraming paraan upang mas maipakilala at masuri ang mga kandidato ngunit, sa aking tingin, pinakamainam ang pagkakaroon ng mga debateng maipalalabas o maipapakinig sa telebisyon, social media, o sa mga radio man lamang.
Isa sa mga kinikilalang unang tagapagtaguyod ng pag-aaral ng Agham Pampulitika sa bansa ang yumaong si Dr. Remigio Agpalo. Pinalad akong maging propesor siya sa graduate school sa UP. Sa isa sa mga pinakatutuwang lektyur niya sa amin noon, pinaliwanag niya ang kanyang pananaw na ang politika sa Pilipinas ay tila isang “Pandanggo sa Ilaw”. Nilinaw niya na ang Pandanggo sa Ilaw ay mainam na metapora upang ilarawan ang politikang mayroon tayo—ang mga mamamayan ay tagapanood lamang at tagapalakpak sa isang palabas na pandanggo kung saan ang mga mananayaw (ang mga politiko) ay maingat na nagbabalanse ng kanilang dala-dalang ilaw habang sumasayaw at inaaliw ang mga tao.
Hindi minumungkahi ni Dr. Agpalo na literal na sumayaw ang mga politiko. Isa ngang metapora lamang ang kanyang “Pandanggo sa Ilaw Politics.” Ngayon, sa iba’t ibang gimik ng mga politiko mula sa lahat ng partido, lalo lamang nagiging akma ang metapora.
Kung gayon, sana naman kumilos ang COMELEC nang mabilis at organisahin na nga ang mga debateng ito. Tulungan nating makapagdesisyon ang publiko sa napakahalagang halalang parating. Hindi tayo dapat maaliw na lamang at bumoto para sa mga politiko dahil sa kanilang kakisigan o pagsasayaw, Pandanggo man, Dabbing, Dougie, Nae-nae, Fortnite o kung ano pa man.