Ni: Melody d. Nuñez
NAGING madiskarte ang bata sa Michigan nang nais nitong humingi ng tulong kung paano makapanood ng telebisyon kungsaan ginamit nito ang doorbell camera ng kanilang bahay upang makausap ang kanyang ama.
Pinindot ng Haslett boy ang Ring camera motion detector ng kanilang doorbell na nagpadala naman ng notipikasyon sa smartphone ng kanyang ama.
Dahil dito ay nairekord ng camera ang kasiyahan ng bata nang magtagumpay itong makakonekta sa kanyang daddy kungsaan ay hiniling nito kung paano buksan ang TV para sa kids channel na itinuro naman ng kanyang ama.
Lalaki nanalo ng $1 milyon sa kanyang last-minute ticket
NANALO ng tumataginting na $1 milyon ang isang New Jersey man sa binili niya na lottery ticket huling segundo bago magsara ang tindahan.
Sinabi ni Ryan Seiler ng North Plainfield na nakapagdesisyon siyang bumili ng iilang Powerball tickets nang umabot sa $260 milyon ang jackpot prize.
Binili ni Seiler ang mga tiket sa Milltown Buy-Rite Liquor ilang segundo na lamang bago ito magsara ngunit kinabukasan ay nagulat na lamang siya dahil nag-match ang lima sa kanyang numero na nagpanalo sa kanya ng $1 milyon.
Balak ni Seiler na ipambayad sa kanyang utang, ipamuhunan at ibakasyon ang kanyang napanalunan.
Proposal ng isang lalaki sa Chicago humakot ng atensyon sa kanilang lugar
HUMAKOT ng atensyon sa kanilang lugar ang marriage proposal ng isang lalaki sa Chicago nang binuo niya ang salita sa higanteng mga letra sa isang parke.
Mababasa sa mayelong damuhan ng Maggie Daley Park sa downtown ng Chicago ang 45-talampakang taas at 31-talampakang lapad ng mga letra ng “MARRY ME.”
Ginawa ni Bob Lempa ang naturang proposal sa lugar kungsaan mababasa mula sa 37th floor ng Blue Cross Blue Shield Building kungsaan nagtatrabaho ang kanyang nobyang si Peggy Baker.
Laking surpresa naman para kay Baker ang napakalaking mensahe na ginawa ng kanyang boyfriend.
Lalaki sa Ontario isinuot ang 260 bilang na t-shirt para sa Guinness World Record
ISINUOT nang magkasabay ng isang lalaki sa Ontario ang 260 bilang na t-shirt upang maglikom ng pera para sa pagpapaaral ng kanyang mga anak at upang talunin ang isang rekord sa Guinness World Record.
Sinabi ni Ted Hastings na tumitingin-tingin siya sa Guinness Book of World Records kasama ng kanyang anak na lalaki para alamin kung anong rekord ang tangkain nilang talunin.
Napagkasunduan nila ang most T-shirts worn at one-time kaya gumawa sila ng mga hakbang upang maisakatuparan ito.
Sinabi ni Hastings na nag-order siya ng mga t-shirts sa India at nagsagawa ng record attempt sa Polsky Strength and Conditioning gym sa Kitchener kungsaan ang naturang event ay lumikom ng pera para sa pag-aaral ng dalawa niyang anak.
Tinalo naman ni Hastings ang dating rekord ng Guinness kungsaan may lamang siya ng tatlong t-shirt.