Ni: DV Blanco
ANG panukalang Freedom of Information (FOI) Act ay makubuluhang batas na kumakalat sa iba’t ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas. May kanya-kanyang bersyon nito ang bawat bansa at paraan kung paano ito isasabatas at ipatutupad.
Ang FOI ay unang ipinatupad sa Sweden noong 1766. At mula noon matagal din bago ito nasundan ng ibang bansa. Halimbawa, naging batas ito sa Estados Unidos noong 1966, sumunod ang New Zealand at Canada noong 1982 at 1983. Ang FOI Act ay naglalayong isabatas ang pagbubukas sa mga mamamayan ng mga pampublikong dokumento. Ibinabalangkas din nito ang mga eksepsiyon dito at mga hakbang para magkaroon ng access sa mga pampublikong dokumento (officialgazette.gov.ph)
Ayon kay Ackerman at Sandoval-Ballesteros (2006, p. 98), nagkaroon ng progresibong pagyabong ng karapatan sa impormasyon sa simula ng ika-21 siglo dahil sa FOI. Sa katunayan, 40 hanggang sa 66 na FOI na ang naipakilala at naisabatas sa pagitan ng 1999 at 2005. Masasabing mula silangan patungong kanluran ay naging malakas ang pagkalat ng FOI mula sa iba’t ibang bansa na hangad ang pagkakaroon ng isang mabuting pamamahala at mahusay na serbisyong publiko na nakabatay sa mga prinsipyo ng transparency, accountability at integrity.
Ang pananaw na ito ay sinegundahan naman ni Holsen (2007, p.50) na binigyang diin niya sa nakaraang dalawang dekada, ang bilang ng FOI na batas ay lumago mula siyam siyam hangggang 68 at padami nang padami ang mga bansang nagnanais na magkaroon nito. Ang batas na ito ay kalimitang ipinagmamalaki ng mga sumusuporta dito bilang isang malaking bintana na magbubukas ng mahusay na pamamahala.
Ang FOI ay may itinuturing na Pitong Prinsipyo ayon kay Adams (2006) at ito ay ang mga sumusunod, 1) Ang layunin nito ay kailangang mapahayag ng malinaw, 2) ang saklaw nito ay maipaliwanag nang mas malawak at mahusay, 3) ang karapatang sa access sa impormasyon ay dapat gawing universal o para sa lahat, 4) gawing makitid o kaunti ang mga exemptions at exclusions, 5) gawing pamantayan ang pagbibigay ng impormasyon at hindi ang paglilihim nito, 6) dapat maging bukas ang lipunan at bigyan ng edukasyon ang mamamayan dito, at 7) ang proseso sa pagkamit ng impormasyon ay hindi dapat gawing mahirap.
Bilang paglalagom ay malaking hakbangin ang kailangan pa para matugunan ang hamon ng FOI tungo sa pagkakaroon ng tapat at mahusay na pamamahala. Hindi sapat na ang FOI ay isa lamang maging teorya, ito ay kailangang maisapraktika sa pamamagitan ng mga konkretong programa, mahusay na istratehiya at malinaw na pokus upang maibsan ang puwang na namamagitan mula sa pagsasabatas at pagsasakatuparan nito. Sa bandang huli, ang kahusayan ng FOI ay nakasalalay hindi lamang sa pamahalaan, kung hindi sa kooperasyon na rin ng taumbayan at ng partisipasyon ng mga institusyong panlipunan na siyang pangunahing tagasulong at tagapagtaguyod ng FOI.