Maraming Pilipino ang gumagamit ng kung anu-ano para lamang luminis at kuminis ang balat sa mukha mula sa pimples.
Ni: Jonnalyn Cortez
MARAMI sa mga Pilipino ang pinoproblema kung paano gagamutin ang taghiyawat sa mukha. Marami nga diyan nasubukan na ang napakaraming produkto, ngunit hindi pa rin naaalis ang mapupulang impeksyon na ito.
Paano nga ba gagamutin ang acne? May paraan pa ba upang masolusyunan ito at tuluyang makamtan ang pinapangarap na makinis na kutis?
Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng taghiyawat.
Nand’yan ang puberty, hormonal imbalance, maruming paligid, at maari rin itong genetic o namamana.
Nagsisimula ang pagtubo ng acne tuwing namumuo ang oil mula sa sebaceous glands ng balat na bumabara sa iyong pores.
Makakakita ka na lamang ng masakit, mapula, at nakakairita na maliliit na parang bumubukol sa iyong mukha.
Isa sa mga sinasabing epektibong lunas sa tagihawat ay ang hydrocortisone. Isa nga sa mga kilalang personalidad na gumagamit nito ay si Khloe Kardashian.
Wika nito, tuwing makakakita sya ng taghiyawat sa kanyang balat, agad niyang nilalagyan ng hydrocortisone upang maibsan ang pamumula.
Ang hydrocortisone ay isang topical steroid na pinaparisan ang cortisol ng katawan na siya namang stress-reaction hormone na iniibsan ang pamamaga. Madalas itong ginagamit sa mga kondisyon sa balat tulad ng pamumula, pamamaga, allergies, injuries at acne.
Hindi masasabi na opisyal na panggamot sa taghiyawat ang hydrocortisone, dahil hindi nito kayang patayin ang bacteria na nagiging dahilan ng pagtubo ng pimples, ngunit nagiging epektibo ito kapag ginamit kasabay ng benzoyl peroxide.
Natuklasan sa isang pag-aaral na ang paggamit ng benzoyle peroxide at hydrocortisone ng sabay ay mas epektibong gamot panlaban sa taghiyawat. Ang hydrocortisone ang bahalang mag alis ng pamumula na dala ng benzoyl peroxide dahil na rin sa dulot nitong dryness.
Dagdagan mo pa ng tamang oras ng pagtulog at dami ng pag-inom ng tubig, tiyak na magkakaroon ka ng malinis at makinis na kutis.