ADMINISTRASYONG Duterte, nais sugpuin ang kahirapan at pababain ang bilang ng mahihirap sa bansa sa darating na 2022.
Ni: Jonnalyn Cortez
Isa sa mga nais solusyunan ng administrasyong Duterte ay ang problema sa kahirapan ng bansa. Kaya sa ilalim ng Memorandum Circular 59 na pinirmahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea, ipinag-utos ng Malakanyang na pagtulungan ng lahat ng ahensya ng gobyerno na suportahan ang programang Sambayanihan: Serbisyong Sambayanan (SSS) ng National Anti-Poverty Commission (NAPC).
Sinusunod ng programa ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na pababain ang bilang ng mahihirap sa bansa mula sa kasalukuyang 21.6 porsyento sa 7.6 porsyento sa 2022.
Sa memorandum, inatasan na makiisa ang buong administrasyon, mula sa ahensya, instrumentalidad, hanggang sa mga pagmamay-ari at kontroladong kumpanya ng gobyerno, na pagaanin ang problema sa kahirapan at ihatid ang pangunahing serbisyong panlipunan sa mahihirap na komunidad, maibigay ang kinakailangang tulong, at maging tapat sa kanilang mandato sa pagpapatupad ng programang SSS.
Sa plano ng NAPC, isasagawa ang mga social preparations para sa programa ngayong taon. Sa 2020, inaasahang mababawasan ang bilang ng mahihirap ng 500,000, isang milyon sa 2021, isa’t kalahating milyon sa 2022 at tatlong milyon sa 2023.
Inilunsad ng NAPC ang Sambayanihan Caravan noong Setyembre 2018 upang simulang maghatid ng frontline support at iba pang serbisyong panlipunan sa mahihirap na komunidad.
Ang caravan at iba pang programa ay daan upang magtulungan ang inter-agency ng mga lalawigan at munisipalidad upang masolusyunan ang tunay na ugat ng kahirapan.
Nabanggit din sa memorandum ang Republic Act (RA) 8425 o ang Social Reform and Poverty Alleviation Act na binibigyang-diin ang patakaran ng gobyerno na tugunan ang pangunahing pangangailangan sa pangkalusugan, pagkain, nutrisyon, tubig, tirahan, disenteng pabahay, edukasyon, seguridad sa kita, malinis na kapaligiran, kapayapaan at kaayusan, functional literacy, psycho-social integrity, partisipasyon sa pamumuno, at pangangalaga sa pamilya.
Sa ilalim din nito binuo ang NAPC upang makipag-ugnayan sa iba’t-ibang pambansa at lokal na ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang matiyak na maipapatupad ang lahat ng mga repormang panlipunan at programa laban sa kahirapan.
Nakasaad din sa memorandum ang hangarin ng gobyerno na maging maunlad at bahagi ng sektor na nakakaalwan ng Pilipinas, kung saan walang sinuman ang mahirap habang ang mga nasa pampublikong serbisyo ay babantayan ang mga naghihikahos upang protektahan ang kanilang karapatan at tulungan silang makaahon sa hirap.
Bukod sa programang SSS, inihayag ni NAPC secretary at lead convenor Noel K. Felongco na mayroong pang dalawang pangunahing programa ang ahensya upang labanan ang kahirapan, ang Provincial Consultative Body (PCB) at Actionable Development Agenda for Poverty Transformation o ADAPT 40/10/10.
SAMBAYANIHAN: Serbisyong Sambayanan, layuning pababain ang bilang ng mahihirap sa bansa.
Five-year Development Plan
Itinuturing na five-year development plan ng NAPC ang programang SSS, kung saan anim hanggang walong milyong Pilipino ang maiaahon sa kahirapan at makamit ang zero poverty sa 2040.
“Sambayanihan, Serbisyong Sambayanan is basically a program that will affect the lives of the people on the ground,” sabi ni NAPC research team head Fernando Cao.
Wika naman ni Felongco, tutuon ang programa sa Mindanao kung saan ang bilang ng mahihirap ay umabot sa 40 porsyento, na higit pa sa naitalang 21.6 porsyento ng mahihirap sa buong bansa.
Maglalaan ang programang SSS ng mga pangunahing serbisyo at access sa climate-responsive dwelling, kabuhayan, at trabaho para sa mga informal settlers at mahihirap sa lunsod; pagbuo ng mga makabagong imprastraktura at financing mechanisms para sa mahihirap sa kanayunan; pagpapalakas ng mga rural-urban agro-economic value chains; pagsiguro sa kalusugan at pangkalahatang kapakanan ng mahihirap na komunidad; pagtiyak sa seguridad sa pagkain; at ang Mindanao Special Development Program.
Ipinanukala rin sa mga local government units (LGU) ang pagtatatag ng PCB para sa pagpapatupad ng iba pang bahagi ng programang SSS kung saan iba’t-ibang mga ahensya, kabilang ang 14 na pangunahing sektor, ang haharap sa problema ng kahirapan sa kani-kanilang lugar at nang maipatupad ang resolusyon.
Target ng programa na tulungan ang 14 na pangunahing sektor na kinabibilangan ng magsasaka, mangingisda, Indigenous Peoples, urban poor, teenagers, kababaihan, persons with disability (PWD), informal workers, pormal na manggagawa, kooperatiba, non-government organizations (NGO), kabataan, estudyante, at mga biktima ng kalamidad.
“Tulong tulong tayo dito, hindi gobyerno lang ang gagawa, tayong lahat ang magbubuhat ng ating bahay para dalhin sa ligtas na lugar,” wika ni Cao.
Gagawin ang parehong resolusyon sa mga rehiyon kung saan matatagpuan ang 40 na pinakamahihirap na lalawigan sa bansa.
Ang 40 probinsya ring ito ang napag-alamang pinaka-madaling maapektuhan ng climate change, ayon sa ADAPT. Bunsod nito, hinikayat ni Felongco ang mga LGU na gumawa ng kani-kanilang plano upang maiwasan ang pagkasira ng mga kabahayan, imprastraktura, at iba pang establisyemento dulot ng mga bagyo tulad ng nangyari nang tamaan ng bagyong Usman ang Bicol region.
“This is to avoid any more casualties of poverty. The LGU’s should act with urgency in crafting their own local climate action plan before it is too late”, wika ni Felongco.
Layunin ng ADAPT 40/10/10 na tulungan ang mahihirap na komunidad na maging handa sa epekto ng climate change.
“The 40-10-10 denotes a list of 40 provinces, based primarily on poverty incidence, from which the 10 poorest municipalities per province and the 10 poorest barangays per municipality will be selected,” paliwanag ni Felongco.
Zero poverty sa 2040
Target din ng NAPC na gawing isang middle-class society ang Pilipinas sa darating na 2040.
Naniniwala si Cao na ang sanhi ng kahirapan sa bansa ay systemic at structural na maaaring tugunan.
“What we are doing now, under the leadership of Secretary Noel Felongco and under the guidance of President Duterte, is to break the cycle of poverty in the country. We will do this by attacking the systemic causes of poverty,” pahayag ni Cao.
Sa pamamagitan ng mga programang SSS, PCB, at ADAPT, umaasa si Cao na masosolusyunan sa estratehikong pamamaraan ang mga sanhi ng pagpapatuloy ng kahirapan sa bansa.
“Most of the causes of poverty are structural and systemic in nature. And thus, our programs will attempt to break off strategically or change strategically these structures,” dagdag pa ni Cao.
“NAPC is very much willing to help our local government units and all stakeholders in implementing poverty alleviation activities, projects and programs. So let us join hands in this endeavor and together we will win our fight against poverty,” wika ni Felongco.