Maraming magandang dulot ang barley sa katawan na makakatulong sa kalusugan.
Ni: Jonnalyn Cortez
MARAMING napapabalita ukol sa magandang epekto ng barley sa katawan, ngunit may katotohanan nga ba ang lahat ng ito?
Ang barley ay isang uri ng whole grain na masustansya sa katawan. Merong itong mataas na bilang ng fiber at protein na maraming dalang health benefits.
May dalawang uri ng barley, ang hulled barley at pearled barley.
Ang hulled barley ay isang whole grain na tinatanggal ang balat.
Ang pearled barley naman ang karaniwang mabibili sa merkado, ngunit hindi isang uri ng whole grain dahil na rin tinatanggal ang “bran” nito na naglalaman ng fiber. Gayunpaman, may taglay pa rin itong mga nutrients.
Maihahalintulad ang barley sa lasa ng brown rice na may malagkit na texture at nutty flavor, at karaniwang niluluto bilang sabaw. Maaari ring lutuin ito katulad ng couscous, quinoa at kanin na isinasaing.
Ang pagkaing mataas sa whole grain ay maaaring pababain ang posibilidad ng pagkakaroon ng malalang sakit, katulad ng cancer at diabetes at maiwasan ang pag-develop ng type 2 diabetes at obesity.
Mataas din ang fiber content ng barley na nakakatulong upang ang iyong dumi ay mas madaling makaraan sa iyong digestive tract upang makaiwas sa constipation at pagbutihin ang digestion. Maaari rin itong makatulong sa pagpapapayat at pagbabawas ng timbang.
Ang pangunahing uri ng fiber na mayroon ang barley ay beta-glucan, na siya namang nakakatulong upang pababain ang cholesterol, pagbutihin ang blood sugar control at pabagalin din ang pag-absorb ng asukal ng ating katawan.
Bunsod nito, makakatulong ang barley sa pagpapababa ng lebel ng sugar at insulin para maiwasan ang pagkakaroon ng diabetes.
Sa karagdagan, naglalaman din ng antioxidants ang barley, katulad ng vitamin E, beta-carotene, lutein at zeaxanthin, na siya namang tumutulong protektahan at i-repair ang cell damage laban sa oxidative stress.