Ni: Louie C. Montemar
ALAM ba ninyong ayon mismo sa United Nations, 844 milyong tao sa buong mundo ang kulang ang access sa inuming tubig (higit sa isa sa bawat 10 tao sa planeta)? Mga bata at matatandang babae sa buong mundo ang gumugugol ng may 200 milyong oras para lamang sa pag-iigib ng tubig araw-araw? Sa average, ang mga babae sa rural Africa ay naglalakad ng anim na kilometro araw-araw upang makapag-igib lamang ng 19 na litro ng tubig?
Sa Pilipinas naman, ayon sa grupong Water.Org, siyam na milyong tao ang walang access sa malinis na tubig at 19 na milyon ang walang access sa maayos na sewage at sanitation systems. Nililinaw din ng grupo na kung walang malinis na tubig, ang mga pamilya at komunidad ay natatali sa kahirapan sa loob ng ilang henerasyon.
Paano? Tuntungan sa magandang kalidad ng buhay ang access sa malinis na tubig. Kung ang mga tao ay walang pagkukunan ng malinis na tubig, lalong hindi nila maaalagaan ang kanilang katawan at ang kalinisan ng kanilang paligid. Sa ganitong kalagayan, may matinding banta sa kalusugan lalo na ng mga bata o ng mga may kahinaan ang pangangatawan. Araw-araw, higit sa 800 na bata sa edad lima at pababa ang namamatay mula sa pagduming maiuugnay sa kakulangan ng sanitasyon sa hirap ng pagkuha ng tubig.
Kung gayon, dumadalas ang pagliban sa paaralan ng mga mag-aaral sa kalagayang may suliranin sa tubig. Kapag mayroong may sakit sa pamilya, napababayaan din ang kabuhayan ng buong sambahayan. Mula sa ganitong kalagayan, malinaw kung paano tila lubid na nagtatali sa kahirapan ang suliranin sa tubig.
Kung gayon, totoo man o hindi ang dahilang salat tayo sa tubig dahil sa tagtuyot ngayon, malinaw na dapat pa rin nating harapin ang usapin sa kakulangan ng tubig lalo na dahil patuloy na lumalaki ang ating populasyon.
May krisis sa tubig sa buong mundo, oo, hindi lamang sa Pilipinas. Kailangan sa usaping ito ang pamumunong maalam at may puso upang ang interes ng lahat ay mabigyan ng karampatang konsiderasyon.