ANG Isa sa amenities na mae-experience sa Luljetta’s ang Hydro-Massage Pool
Ni: Aileen Lor
SA PAGTATAYO ng negosyo, hindi pwede ang mga salitang pwede na o kaya pwede na yan. Kailangang sigurado ka kung iyon ba talaga ang gustong itayo o negosyo. May nagsasabi na ang pagtatayo ng isang negosyo ay isang sugal sapagkat hindi mo alam kung ito ay magiging patok sa mga tao o bagsak sa kanilang panlasa. Pero kung ito ay iyong pagtutuunan ng pansin, pagtiyatiyagaan, hindi malayong makakamit mo ang iyong inaasam-asam na tagumpay.
Kagaya na lamang ng isang kilalang spa na dinarayo sa Antipolo, ang Luljetta’s Hanging Gardens Spa. Hindi mo na kailangang magbook o mag-abang ng seat sale sa mga eroplano papuntang Bali Indonesia para maranas ang mag nature tripping. Isang oras lamang ang byahe mula sa Maynila, mararating at masisilayan mo na ang spa na pinagmamalaki ng mga taga Antipolo. Simula nang buksan ito sa publiko noong 2013 nag-trending na ito sa social media at laging laman ng mga blogs.
Ang Luljetta’s ay parte ng walong ektaryang lupain ng Loreland Realty & Development Corporation. Ang Luljetta’s ay mula sa pangalang Lolita na ang ibig sabihin ay “flower of life”. Ito ay tinaguriang kauna-unahan at nag iisang garden spa sa Pilipinas.
Marami ang nagkagusto sa tema ng Luljetta’s dahil ito ay nakakatulong makarelax at nakakatulong sa mga taong gusto ng peace of mind. Lalung-lalo na sa mga taong stress na stress na sa kani-kanilang trabaho.
Makikita na talagang pinag-isipan at pinagplanuhan ang spa dahil siniguro ng pamunuan nito na mag-eenjoy ang mga kustomer sa Bali-inspired na tema nito.
Ilan sa mga amenities ng Luljettas ay ang kanilang shower massage na may heated jacuzzi, hydro-massage pool, fish spa experience at ang infinity pools na magandang pagbabaran lalo pa’t kitang kita mo ang papalubog na araw na nagpapahiwatig sa iyong tomorrow is another day. Mas nakilala ang spa dahil sa kanilang signature massage.
Mahigit ng limang taon simula nang magbukas ang Luljetta’s kaya naisipan ng pamunuan na panahon naman para magbigay sila ng iba pang karanasan sa kanilang mga kustomer — ang Luljetta’s Mykonos. “For over five years, we’ve operated the hanging gardens spa, for this year our guests would have a new destination here in Luljetta’s,” ayon kay Ramon Mariñas ang managing director ng spa. Ang Luljetta’s Mykonos ay isang Greek-inspired resort na may tatlong kwarto. “If you’re booked in any of the three rooms here, you’ll definitely have access to all water amenities inside Mykonos,” dagdag ni Mariñas.
Ngayong taon lamang nabuksan ang Mykonos pero marami na agad ang nahumaling sa ganda at namangha sa Santorini inspired resort na ito. Nariyang may mga kustomer na suki ng gardens spa at bumalik para masubukan ang bagong bukas na resort na ito.
Magrelaks sa malamig na tubig ng kanilang infinity pool
SOCIAL MEDIA, MALAKING TULONG
Magmula nang buksan ito sa publiko, naging maugong ang pangalang Luljetta’s dahil na rin nakatulong ang paggamit nila ng social media gaya ng Facebook at Instagram. Dito ay nagkaroon sila ng pagkakataong i-promote ang iba’t ibang amenities ng spa. Pawang magagandang komento ang kanilang natatanggap mula sa mga kustomer. Magandang platform ang ginamit nila sa pag promote ng kanilang spa dahil ayon sa datos na nakalap ng London, United Kingdom-based consultancy na We are Social, sa taong 2018 isa ang mga Pilipino sa patuloy na tumatangkilik sa mga social media na umaabot ng 9 na oras at 57 na minuto sa loob lamang ng isang araw. Ayon din sa datos nito, ang mga Pilipino ang nanguna sa buong mundo sa paggamit ng social media noong 2017. Samantala, ngayong 2018 naman ay pangalawa sa Thailand na may average na paggamit sa social media na 9 oras at 38 minuto. Kaya naman hindi maipagkakaila na maganda ang naitutulong ng social media sa isang negosyo. Mas marami ang nakakakita at nakakapag share, mas maganda. Kaya naman hindi na nakapagtatakang maging visible ang Luljetta’s sa Facebook at Instagram.
Kaya kung kayo ay naghahanap ng short but fun-filled getaway na hindi kailangang gumastos ng malaki, dumayo na sa lugar ng Antipolo at doon ay pagmasdan ang maganda at natural na likha ng Maykapal. Matatagpuan ang Luljetta’s sa Sitio Loreland, Brgy. San Roque Antipolo City na bukas mula alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon. Pinaaalalahanan naman ng pamunuan ng Luljetta’s na ugaliing magbook o magpareserve muna bago pumunta.