SI Vincent Nevado (dulong kanan) at ang kanyang mga kasamang Pinoy seafarer sa barkong SN Claudia.
Ni: Quincy Cahilig
TINAGURIANG mga bagong bayani ang mga overseas Filipino workers (OFW) dahil sa kanilang malaking ambag sa pagpapalago at pagpapatatag ng ekonomiya ng Pilipinas.
Subali’t tila di masyadong napagtutuunan ng pansin at nabibigyan ng pugay ang isang malaking bahagi ng mga Pinoy overseas workers na hindi lamang tumawid ng dagat sa kanilang pagtatrabaho, kundi sa mismong karagatan sila nagpapagal. Sila ang mga Pinoy seafarers, o mga seaman.
Nasa 90 porsyento ang iniaambag ng shipping industry sa ekonomiya ng buong mundo. Tinatayang nasa mahigit 51,000 ang mga barkong naglalayag sa karagatan, na naghahatid ng mga produktong kailangan ng tao sa pangaraw-araw tulad ng langis, pagkain, damit, gadgets, sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Bago pa ang panahon ng pananakop ng mga Kastila, nagpapadala na umano ng mga seafarers ang bansa. Pero noong dekada ‘70 nagsimulang makilala sa mundo ang mga seafarer ng bansa nang pumutok ang oil crisis noon. Ito ang nagtulak sa mga shipping companies na kumuha ng crew ng barko mula sa Pinas dahil hindi na nila kaya ibigay ang sweldo ng seafarers mula sa mga bansa sa kanluran.
Hanggang ngayon, ang Pilipinas pa rin ang nangungunang exporter ng mga seafarers. Sa 1.2 milyon na seafarers sa buong mundo, 400,000 ang mga Pinoy, na nagtatrabaho bilang mga officers, deckhands, fishermen, cargo handlers at cruise workers. Batay sa ulat, nakakapag-remit sila ng mahigit USD 6 bilyon kada taon. Kaya hindi basta-basta pwedeng mawala ang ating mga marino sa karagatan dahil malaki ang epekto nila sa world economy.
NASA 20,000 na graduates ang pino-produce ng mga maritime institutions sa Pilipinas.
Hindi birong career
Kung mapapadpad ka nga sa gawing Kalaw St. na bahagi ng Luneta Park, makikita ang bulto ng mga kalalakihang nagnanais na makasampa sa barko dahil sa salary rate ng isang seaman, na kayang-kayang bumuhay ng pamilya.
Ayon kay Engineer Nelson Ramirez, presidente ng United Filipino Seafarers (UFS), isang non-profit organization na nagsusulong sa karapatan at kapakanan ng mga marino, nananatiling in-demand ang mga Pinoy sa mga barko dahil marunong sila mag-Ingles, masipag, well-trained, at kayang makipagsabayan sa anumang trabaho sa barko.
Kada taon, nagpo-produce ang mga maritime institutions sa bansa ng nasa 20,000 na graduates. Karamihan sa kanila ay mula sa Visayas at Mindanao. Talagang puspusan ang kanilag training mula sa engines, astronomy, at laws upang maging lubusang handa sa trabaho sa barko.
Pero ang masasabing pinakamatinding bahagi ng kanilang trabaho ay ang pagkabagot at pangungulila sa mga mahal sa buhay a gitna ng malawak at maalong karagatan. Ito ang sakripisyong kanilang binabata sa araw-araw. Kaya di biro ang maging seaman — hindi lamang job skills ang kailangan kundi maging ang mental toughness.
Sa kabila ng mga ito, tuloy pa rin ang 32-anyos na si Vincent Nevado sa pagtatrabaho sa barko alang-alang sa kinabukasan ng kanyang pamilya. At para malabanan din ang kalungkutan, sinusulit na lang niya kapag may pagkakataon na makapamasyal tuwing dumadaong ang kanilang barko.
“Simple lang naman ang dahilan ko, maganda ang sweldo. At gusto ko din ma-experience makapunta sa iba’t-ibang lugar ngunit bihira ako makapasyal,” wika ni Nevado.
Sa mga nakalipas na taon, marami ng mga success stories ang ating mga Pinoy seafarers. Marami ang naitawid ang edukasyon ng mga anak, nakapagpundar ng negosyo, at nakapagpatayo ng bahay. Kaya naman marami pa rin ang nagnanais na maging seaman.
Pero pinagiingat ni Ramirez ang mga gustong magtrabaho sa barko sa mga illegal na agencies, gayon din sa mga ambulance chasers o mga abogado at ibang operator na hinihikayat ang mga seafarers na maghain ng hidwang injury claims sa kanilang ship operators para makakulimbat ng malaking halaga. Aniya, sinisira ng ganitong mga modus ang industriya ng maritime sa bansa.
HANGGANG ngayon, ang Pilipinas pa rin ang nangungunang exporter ng mga seaman.
PH maritime education, palalakasin
Dahil sa tiwala sa kakayahan ng Pinoy seafarers, ipagpapatuloy ng Japan ang pagbibigay ng training para sa mga Pinoy maritime instructors upang maiangat ang kalidad ng maritime education at training sa bansa.
Kamakailan nilagdaan ng Maritime Industry Authority (MARINA), Ministry of Land, Infrastructure, Transport and Tourism of Japan (MLIT) at Seamen’s Employment Center of Japan (SECOJ), ang memorandum of cooperation patungkol sa 2019 Maritime Instructor’s Training Scheme.
“Through this agreement, Japan will continue to host a number of qualified Filipino maritime instructors to improve their teaching skills and technical information related to their specialty through a two-month advanced training course program this year,” pahayag ng MARINA.
Sa ilalim ng programa, ang mga mapipiling delegado ay tuturuan sa pag-organize ng practical training programs at evaluation criteria on group training. Gaganapin ang training sa Japan. Magpapadala ang MARINA ng imbitasyon sa mga recognized maritime institutions para sa nomination ng posibleng delegado, na sasailalim sa selection process.
Mula noong 2010, nasa 59 Filipino maritime instructors na ang nakapagtapos ng naturang program at naibahagi ang kanilang kaalaman sa libo-libong mga nagnanais maging seaman.
Mananatiling malaki ang impact ng maritime industry sa pambansang ekonomiya ng Pilipinas. Kaya hindi tumitigil ang pamahalaan sa pagbuo ng mga batas upang mapalago ang maritime resources ng bansa. Kasama din dito ang pagbalangkas ng mga kasunduan sa mga karatig bansa upang mapanatili ang seguridad ng industriya at ng libo-libong mga Pinoy seaman — ang ating mga bayani sa karagatan.