Matapos ang matagumpay na Live Thanksgiving and Worship Presentation sa Ynares Sports Center sa Antipolo City, muling nagbalik ang kilalang Appointed Son of God na si Pastor Apollo C. Quiboloy sa New Jerusalem Headquarters sa Davao City upang pangunahan ang paghahatid ng Manna of Revelation sa kauna-unahang KJC Open Field Live Thanksgiving and Worship Presentation.
Ilang libong manonood ang sabik marinig ang pahayag ni Pastor Apollo sa itinuturing na pinakamalaking pagtitipon at pagsamba ng Kingdom Citizens, mga manonood at tagahanga mula sa buong siyudad at kalapit bayan.
Nandun din sa programa ang mga kabataan mula sa Kingdom Children’s Growth School ng Davao City na naghandog ng awiting “A Million Dreams.”
Ang mga batang ito ay tinuruan at sinanay upang lubos na makilala ng kanilang puso ang kalooban ng Diyos at lumaking may paniniwalang ang kanilang talento ay gagamitin lamang para sa kaluguran ng Ama.
Naghandog din ng special number ang Kingdom Youth Choir, na binubuo ng ilang daang kabataang lalake at babae mula sa buong Kingdom Light Congregations sa Davao Region.
Naramdaman naman ang diwa ng pagsamba nang sumayaw, kumanta, at sumigaw ng papuri ang mga tao para sa Panginoon na pinangunahan ng Kingdom Singers at musicians habang ginaganap ang live thanksgiving program.
Ang maraming bilang ng tao na dumalo sa pagsamba ay patunay lamang na kahit ano pang ibatong paninira at pag-atake laban sa pangalan at reputasyon ni Pastor Apollo, ang espiritu ng katotohanan ay gumagalaw at marami pang tao ang naliliwanagan araw-araw.
Sinimulan ni Pastor Apollo ang kanyang mensahe sa pagbati sa kanyang mga manonood at pagpapahayag ng mga pagpapala sa lahat ng Kingdom leaders, na kanyang pinakilala sa kongregasyon, at iba pang nakikibahagi sa programa mula sa iba’t-ibang parte ng mundo. Kanya ring inilatag ang kanilang mga bagong tungkulin para sa taong ito at ipinagmalaki ang bagong tayong KLC sa Brazil at iba pang lugar sa daigdig.
Matapang na inihayag ni Pastor Apollo, tulad ng kanyang mga mensaheng pinapangaral, ang pagmamay-ari ng Anak sa mundo.
Kanya ring pinaalala sa mga taong naninira sa kanya at sa mga nagdududa sa rebelasyon ng Ama na ang lihim ng Panginoon ay inihahayag lamang sa mga matuwid na muling isinilang sa ispiritu ng pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Maririnig ang mga mensahe ni Pastor Apollo C. Quiboloy sa Sonshine Media Network International TV channels worldwide at sa Sonshine Radio Stations sa Pilipinas. Maaari ring bumisita sa SMNI.com, sonshineradio.com, apolloquiboloy.com, at sa kingdomofjesuschrist.org. Maari naman siyang sundan sa Facebook/Apolloquiboloy at YouTube/Sonshinemedialive.