Ni: Louie Checa Montemar
SA MGA pang-akademikong pag-aaral na ginawa sa ibang bansa hinggil sa pananaw ng mga tao sa pamamahala, lumalabas na ang mga pulis ang mukha ng pamahalaan para sa karaniwang tao. Ang ibig sabihin nito, para sa kanila, ang pulis ang pinakasimbolo ng pamumuno ng pambansang liderato sa pang-araw-araw na takbo ng buhay.
Kung totoo rin ito sa kaso ng Pilipinas—at mukha namang hindi nalalayong ganito rin nga ang kalagayan sa atin dahil sa papel na ginagampanan ng kapulisan lalo na sa lagay ng mga pangunahing programa ng kasalukuyang administrasyon— napakahalagang maayos ang gawain, ugali, at pananalita ng mga pulis natin.
Dahil dito, nakagagalak mapansin ang sigasig ng PNP sa pamumuno ni Gen. Oscar Albayalde na harapin ang usapin ng mga rogue cops o mga pulis na suwail at lumalabag sa batas. Ilan na rin ang inalis sa pwesto at pinagsabihan nang matindi sa harap ng kamera. Libu-libo na rin ang iniutos na ilipat ng pwesto at imbestigahan.
Dito talaga sa paglilinis ng hanay ng kapulisan dapat magsimula ang maayos at malinis na pamamahala ng ating bansa sa ngayon. Kung hindi mapagkakatiwalaan at makatarungan ang mga pulis, paano natin aasahan ang kooperasyon ng mamamayan sa kapulisan at pati na rin sa pamahalaan sa pangkalahatan? Napakahalaga ng tiwala ng mamamayan sa pamamahala.
Kung hindi epektibo ang mga pulis, paano tunay na malilitis at mapaparusahan ang mga dapat managot sa batas?
Ipanakikita rin ng mga pag-aaral sa kriminolohiya na ang isa sa pinakamabisang panglaban sa pagtaas ng kriminalidad ang katiyakan ng pagkahuli at kaparusahan ayon sa batas, at ang gawaing pulis at ang malinis na imbestigasyon ang susi nito.
Ang isang malinis at epektibong pwersa ng pulis ay walang mga tiwaling tauhan. Walang mga rogue cops, walang lagayan, at walang palakasan. Diyan makatutuntong na matibay ang isang makabuluhan, maka-Diyos, at makataong pamamahala.
Ituloy lang ang pagwawalis ng dumi sa kapulisan, Heneral!