Ni: Louie Checa Montemar
KAILAN ka huling nakasakay ng tren sa Pilipinas? Lalo na sa PNR?
Napakahalaga ng isang maayos na sistemang pangtransportasyon sa isang makabagong lipunan. Kung may problema rito, babagal ang produksiyon ng ekonomiya, maaantala ang pakikipag-ugnayan ng mga tao, at sa pangkalahata’y bababa ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan.
Ang tren ang isa sa pinakamainam na paraan ng transportasyon sa mga pinakaabanteng bansa sa mundo. Sa kaso ng ating bansa, malinaw na malaki pa ang maiuunlad ng train system upang mapagsilbihan nang lubos ang ating mga kababayan.
Ang ating Philippine National Railways (PNR), na nagbukas pa noong 1892, ay dating ginagamit upang magpatakbo ng halos 800 kilometro mula sa La Union papuntang Bicol. Sa halip na lumawak pa ang sakop at lalong dumami ang mga bayang mapagsilbihan nito, umiksi pa nga ang ruta nito na ngayo’y naaabot na lamang ang Metro South (Tutuban-Alabang-Tutuban, Tutuban-Mamatid-Tutuban, Tutuban-Calamba-Tutuban), Bicol (Naga-Sipocot) at Metro North (Pascual, Malabon-FTI, Tutuban-Governor Pascual, Malabon).
Dumarami man ang napagsisilbihan ng sistema ng tren, lalo na kung isasama sa pagtatasa ang operasyon ng LRT at MRT, marami pa ring hinaharap na hamon sa pagpapagana ng mga sistemang ito. Sa PNR na lamang, libu-libong tao ang umaasa rito araw-araw subalit napakadalas ng pagkaantala ng serbisyo nito at laging siksikan ang mga bagon sa araw na may mga pasok sa paaralan at opisina.
Kahit pa nga makailang ulit nang lumaki ang singil ng mga biyahe sa PNR, hindi naman halos nagbabago ang kalidad ng serbisyo nito. Higit sa lahat, ang isang nagba-biyahe ay hindi makasisiguro sa iskedyul ng pagdating o pag-alis ng isang tren sa sistema nito. Naiulat pa nga kamakailan lamang na nasa mahigit pitong daang biyahe nito ang nakansela sa unang dalawang buwan ng 2019.
Sa kabila nito, patuloy naman ang mga karaniwang tao sa pagtangkilik sa serbisyo nito dahil halos walang alternatibong transportasyon para sa kanila.
Sana naman ay mas seryosohin ng mga nangangasiwa natin ang pag-aayos sa ating mga sistema ng tren. Ang mas nakararami sa ating mahihirap na mamamayan ay nakaasa na rin sa tren at hindi lamang sa mga jeep o tricycle.
Sa pag-aayos ng mga sistema ng tren, nawa’y maging pangunahin sa isip ng ating mga lider ang kapakanan ng ordinaryong si Juan.
Kailan ka huling nakasakay ng tren sa Pilipinas? Mag-PNR tayo?