Ni: Eugene Flores
PANAHON nanaman upang magplano para sa tag-init. Muling naglalabasan sa social media ang mga beach na siyang dinarayo nang karamihan, maging ang mga bagong diskubreng isla na kalauna’y dudumugin na rin ng mga turista.
At kung ikaw ay isa sa mga nagnanais ng isang payapang bakasyon sa dagat, malayo sa nakasanayang destinasyon, ito ang mga lugar na bagay sa iyo.
Jomalig Island. Matatagpuan ito sa probinsya ng Quezon. Ang isla ay isang munisipalidad ng Quezon lingid sa kaalaman ng karamihan. Tampok sa islang ito ang Kanaway Beach na nakaharap sa Pacific Ocean at Salibungot Beach sa silangan na nakaharap naman sa Lamon Bay.
Kilala rin ang isla bilang isang desyertong paraiso dahil sa kulay ginto at puti nitong mga buhangin.
Maari ring matikman sa isla ang mga biyaya ng karagatan tulad ng hipon, alimango, lobster at ang isdang anila’y pinakamasarap sa buong mundo, ang surahan.
Corcuera Island. Ito ay isang virgin island municipality na matatagpuan sa Romblon. Patok ito sapagkat maaring ilaban sa Boracay, at ito ay makasaysayan.
Tinatawag ng mga lokal na Simara ang isla bago ito palitan noong 1931 upang pagbibigay pugay sa namamahala ng lugar na si Governor General Hurtado de Corcuera, isang Espanyol.
Tinipak River. Tinagurian ito bilang pinakamalinis na inland body of water sa Rehiyon IV na matatagpuan sa Brgy. Daraitan, Tanay, Rizal.
Hindi madali ang pagpunta sa paraisong ito sapagkat kailangang tahakin ang mahaba at malalaking bato na siya ring naging dagdag atraksyon lalo na sa mga mahilig sa outdoor adventure.
Tiyak naman na mapapawi ang pagod kapag narating at nagbabad sa malamig na ilog ng Tinipak.
Seco Island. Nababagay ang islang ito na matatagpuan sa Antique para sa mga nais mag-isa. Tahimik at walang nakatira sa isla na binubuo ng white sand na umaabot sa layong 1.5 kilometro.
Ang hugis ng isla ay maihahalintulad sa siko ng tao kung saan nito nakuha ang pangalan.
Isa rin ito sa pinakamagandang isla para sa kiteboarding, maging sa mahilig mag-camping, at sa mga taong nais mag muni-muni at mag soul-searching.
Calayan Island. Matatagpuan ito sa norte, sa probinsya ng Cagayan. Ito ay isa sa mga hindi kilalang destinasyon ngayong tag-init ngunit ang ganda’y maaring maikumpara sa Batanes, na pinapangarap puntahan ng mga turista. Makakatipid sa bulsa ngunit mabubusog ang mata sa islang ito.
Ilan lamang ang mga ito sa mahigit pitong libong isla sa bansa na malimit puntahan ng mga turista, kung kaya’t magandang opurtunidad ang mabisita ito. Ngunit laging tatandaan, maging responsable at ingatan ang kalikasan.