Ni: DV Blanco
ANG social media ay malaking tulong sa pagbibigay ng direksyon sa mga paaralan, kolehiyo at pamantasan lalong lalo na sa panahon ng globalization at digitization. Ito ay unti-unting nagiging plataporma para makamit ang mga misyon at bisyon ng mga paaralan sa pamamamagitan ng pagpili at paggamit ng nararapat na social media networks at websites na nagbibigay ng makabuluhang datos at impormasyon sa mga namamahala, guro, empleyado at sa pinakamahalaga nitong kliyente – ang mga estudyante.
Ayon sa philosopher na si Alfred North Whitehead, “Ang unibersidad ang lumilikha ng kinabukasan.” Sinang-ayunan ito ni Drew Gilpin Faust, naging presidente ng Harvard University at ayon sa kanya, ginagawa ito ng social media sa dalawang paraan, una sa pamamagitan ng pagbibigay edukasyon kung saan ang nakasalalay ay ang kinabukasan at pangalawa, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga makubuluhang ideya at mga bagong tuklas na may kakayahang baguhin ang kasalukuyan at gawin itong mas magandang mundo sa hinaharap (Binanggit ni Thorp at Goldstein, 2010).
Ginagamit ng mga eskuwelahan ang social media sa kanilang student recruitment, alumni engagement, academic and athletic brand, sa pagbibigay ng koneksyon sa mga mag-aaral at kanilang mga guro sa loob at labas man ng kanilang campus at para mapag-ibayo pa ang mga student academic at extracurricular activities (Heiberger at Junco, 2011).
Sa kadahilanang ang teknolohiya ng social media ay napakabilis na magbago, kailangan ding sumabay ng mga institusyong pang-edukasyon sa mga pagbabagong ito. Dahil lumilipas ang mga institusyon pero hindi ang social media.
Halimbawa, marami pa ring mga guro ang itinuturing na digital immigrants, na tumutukoy sa migration at transition ng mga guro mula sa kanilang tradisyonal at klasikal na istilo at stratehiya ng pagtuturo patungo sa paggamit ng social media bilang bagong plataporma. Kaya’t para kay Joosten (2012, 3), “may mga mahahalagang kadahilanan kung bakit kailangan ang social media sa konteksto ng edukasyon, una ay may potensyal itong payamanin ang kaalaman sa pag-aaral at pagtuturo, pangalawa ay marami ng guro at estudyante ang gumagamit ng social media sa kanilang personal at propesyonal na buhay.”
Nagpapatunay ito na ang social media ay mayroong unibersal na application at hindi namimili ng ano mang partikular na organisasyon ayon kay Dess (2012, p. 10-11), “ang social media ay walang kinalaman sa isang kompanya o teknolohiya. Hindi mamamatay ang social media kung mawawala ang Facebook kinabukasan. Naaalala mo pa ba kung gaano kasikat ang Friendster o Myspace noon? Magpapatuloy ang social media kahit na ang Tweeter ay magpadala ng kanilang huling Tweet. Dahil ang mga tao ang nagpapalakas sa social media. Ang social media ay ang ekstensyon ng ating kolektibong kamalayan. Ang social media ang ating digital spirit.”
Bagamat ang social media ay ang ating “digital spirit” at malaki ang impluwensya sa ating paraan ng pamumuhay, kailangan pa rin nating maging social media literate at social media educated, maging mapagmasid at mapanuri, dahil hindi lahat na napapanood, nadidinig at nababasa sa social media ay totoo at tama. Ito ang hamon ng edukasyon sa paggamit ng social media ng makabagong henerasyon.