INIINSPEKSYON ng isang operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nakumpiskang shabu na nagkakahalaga ng P1.9 bilyon sa isang warehouse sa Tanza, Cavite.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
KUNG may maituturing na matibay na ebidensiya ng magandang resulta ng “strong political will” ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, ito ay ang positibong epekto ng kanyang “war on drugs” na naglalayong burahin sa lipunan ang salot na drogang sanhi ng pagkasira ng maraming buhay, tahanan, at pangarap.
“Relentless” kung isalarawan ng mga kritiko at kakampi ng administrasyong Duterte ang giyera kontra droga. Gayun pa man, hindi naman masasabing “fruitless” ang kampanyang ito kung titignan ang mga datos ng awtoridad.
Ayon sa Real Numbers PH, isang proyekto ng Presidential Communications Group na naglalayong labanan ang maling impormasyon, nasa 1,040,987 ang naitalang krimen mula July 2016 (simula ng termino ni Pangulong Duterte) hanggang June 2018. Ang naturang bilang ay mas baba ng 21.48 porsyento kumpara sa 1,325,789 na na-report sa parehong panahon mula 2014 hanggang 2016.
Bumagsak din umano ang bilang ng mga krimen gaya ng homicide, rape, at physical injuries ayon sa Philippine National Police (PNP), maliban sa murder na tumaas ng 19,210 (1.5 porsyento) sa nakalipas na dalawang taon.
“It is important to note that focus crimes are due to the use of illegal drugs. If you look at the nature of the crimes, the perpetrators are doing drugs. They resort to theft to support their addiction, they rape, murder because they are tripping,” wika ni Lt. Col Kimberly Molitas, deputy spokesperson ng PNP.
Nguni’t dahil sa patuloy na puspusang kampanya ng PNP kontra illegal na droga at krimen, nararamdaman na din ng mamamayan na mas ligtas na ngayon ang mga lansangan; bagay na nagpapakita na nagtatagumpay ang pulisya laban sa masasamang elemento.
Ayon naman sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mahigit 11,000 na mga barangay sa buong bansa ang drug-free na simula nang ilunsad ang anti-drugs campaign ng Duterte administration.
Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Pebrero, 66 porsyento ng mga Pilipino ang nagsabi na bumaba ang bilang ng mga drug users sa kanilang lugar sa nakalipas na taon. Tumaas din umano ang kumpyansa ng mga negosyante dahil mas safe na ngayon ang environment sa Pilipinas.
Pero, sa kabila ng magandang resulta, aminado ang opisyal ng PNP na malayo pa ang pagtatapos ng war on drugs.
“In the business sector, they feel safer and better now. It is one of the indications that the war on drugs is nearly over but the problem is still there. The war on drugs is a worldwide phenomenon addressed by ASEAN countries, it is not just us,” wika ni Molitas. “We put an effort to make sure that the campaign against illegal drugs is sustained. Hindi po yan nagbabago, bumababa po yan ng bumababa.”
PDEA Director General Aaron N. Aquino at AMLC Executive Director Atty. Mel Georgie Racela sa pagpirma ng memorandum of agreement tungkol sa pagsasanib pwersa ng kanilang mga ahensya para supilin ang kalakalan ng iligal na droga sa bansa.
MAS MALALAKING ISDA ANG NAHUHULI
Kamakailan ay inanunsyo ni Pangulong Duterte na lumalala ang kalakalan ng iligal na droga sa bansa sa kabila ng puspusang kampanya ng gobyerno laban sa paglaganap nito.
“But if you tinker with drugs and if you continue to feed our children with drugs and trafficking… Things have worsened. My policemen are on the brink of surrendering,” sabi ni Duterte sa isang kampanya ng PDP-Laban sa Cagayan de Oro City.
Pangamba ng Pangulo, baka matulad ang Pilipinas sa Mexico, na kontrolado na ng mga drug cartel. Lalo na’t nakapasok na umano sa bansa ang mga sindikatong Sinaloa at Golden Triangle.
Binigyang diin ni Duterte na malaking hamon ang pagiging isang kapuluan ng Pilipinas, na sinasamantala ng mga sindikato sa pagpupuslit ng droga papasok sa bansa.
Subali’t binigyang linaw ni PDEA director general Aaron Aquino ang assessment ni Pangulong Duterte sa di umano’y paglala ng problema sa droga. Aniya, malamang ay nasabi ito ng Pangulo dahil sa mga malalaking volumes ng shabu na nakukumpiska ng ahensya sa kanilang mga operasyon kamakailan.
Di tulad ng mga pake-pakete lamang na nahuhuli ng PDEA noon, nakakahuli ang ahensya ngayon ng bilyon-bilyong halaga ng shabu. Sa magkahiwalay nga na operasyon sa Muntinlupa at Maynila, natimbog ng PDEA ang nasa kabuuang P2.8 bilyong halaga ng shabu. Dahil dito ay nagkakaroon umano ng impresyon ang Pangulo na lumalala na ang sitwasyon ng droga sa Pilipinas.
Naniniwala ang hepe ng PDEA na mas nagiging epektibo nga ang mga awtoridad ngayon dahil sa pakikipagtulungan ng bawa’t ahensya. Kamakailan, sa tulong ng Anti-Money Laundering Council, nakapag-freeze ang PDEA ng P2 bilyong assets ng 400 drug traffickers sa bansa, na karamihan ay Chinese nationals. Patunay din aniya ito na hindi maliliit na isda ang kanilang nahuhuli ngayon.
“The billions of pesos in seizures of illegal drugs are a positive indicator that the government is very effective in carrying out its war against illegal drugs,” wika ni Aquino.
SA isang kampanya ng PDP-Laban, ipinahayag ni Pangulong Duterte ang pangamba sa paglala ng problema ng droga, bagay na itinuturing ng Philippine National Police na isang hamong hindi nila aatrasan.
HINDI AATRASAN ANG HAMON
Samantala, itinuturing ni PNP chief General Oscar Albayalde na isang hamon ang pahayag ng Pangulo tungkol sa paglala ng drug problem sa bansa.
“That’s a big challenge to us. I think hindi tayo susurender dyan kailanman. We look at it as a challenge,” pahayag ni Albayalde sa mga kawani ng media.
Naniniwala si Albayalde na inilalabas lamang ng Pangulo ang kanyang pagkadismaya nang banggitin nito na tila pinanghihinaan na ng loob ang mga pulis dahil tila hindi matapos-tapos ang mga insidenteng kinasasangkutan ng iligal na droga.
“Our peace and order is improving. It has improved a lot for the past three years. ‘Yung frustration, there is despite this effort nakikita natin ganyan pa rin.”
Pero binigyang diin ni Albayalde na hinding-hindi titigil ang PNP sa pagsupil sa droga kaya patuloy na isinusulong ng kanyang pamunuan ang improvement sa kakayahan at mga kagamitan ng pulisya para maging mas epektibo ang kanilang mga operasyon.