Ni: Louie Montemar
MARAMING balita ang patuloy na lumalabas hinggil sa kalagayan ng mga Katutubong Filipino sa ating lipunan. Mahalagang unawaing maigi ang buhay nila sa ngayon sapagkat kung tutuusin, napakayaman ng kultura ng ating bansa dahil sa iba’t ibang karanasan ng mga katutubo. Kailangang pahalagahan ang ating yamang-pangkultura —ang mga Katutubo.
Ayon na rin sa pag-aaral ng United Nations, may tinatayang 14-17 milyong Filipinong tinatawag na Indigenous Peoples o IP. Sila ang bumubuo sa 110 na iba’t–ibang grupong etno-lingwistiko sa ating arkipelago. Nasa Northern Luzon (33%) at Mindanao (61%) ang karamihan sa kanila, at ang iba pa ay nasa ilang mga lugar sa Visayas.
Sa kasamaang palad, marami sa kanila ang hindi mainam ang kalidad ng buhay sa kabila ng pag-uutos ng ating Konstitusyon upang kilalanin, proteksyunan, at maisabuhay pa ang mga karapatan ng mga IP sa ilalim ng balangkas ng pambansang pagkakaisa at pagpapaunlad. Mula rito, ipinasa noong 1997 ang Republic Act 8371 o Indigenous Peoples Rights Act (IPRA). Kinikilala nito ang karapatan ng mga IP upang pamahalaan ang kanilang mga ancestral domain. Ito ang batayan ng kasalukuyang patakarang pambansa sa mga IP.
Dagdag pa rito, noong Hulyo 21, 2016 lamang isinabatas din ang Republic Act 10908 o ang Integrated History Act of 2016. Iniuutos nito ang matamang pag-aaral ng kultura ng mga Pilipino-Muslim at iba pang IP sa kasaysayan ng bansa. Napakasimple ng susing utos ng batas. Ayon dito “Sa pagbabalangkas ng kurikulum para sa isang inclusive at integrative na pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas, kabilang ang pagsulat, paglimbag at paglathala ng mga aklat-aralin at iba pang mga materyales sa pagbabasa na may kaugnayan dito, ang mga ahensyang nakatalaga ay dapat kumonsulta sa mga kinikilalang eksperto sa Filipino-Muslim at Katutubong kasaysayan, kultura at pagkakakilanlan.”
Ngayon, sino pa nga ba ang pinakaeksperto sa kanilang kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan kundi ang mga Katutubong Filipino. Ang hamon ay kung paano mas bibigyan ng pagkakataon ang mga IP o mga Katutubo na makilahok sa edukasyon at sa pangkalahatang pagsasaayos ng ating lipunan.
Dito papasok ang halaga ng isang mas de-kalidad na edukasyon para sa mga Katutubong Filipino. Kung mas mataas ang antas ng literasiya ng mga Katutubo, mas makalalahok sila sa pagsasa-ayos ng mga gawain sa ating pamayanan—silang mga tunay na yamang-pangkultura ng ating bayan.