Ni: Louie C. Montemar
KAPAG mabait ka sa isang tao, lalo na sa isang musmos, kadalasa’y sinusuklian din niya iyon ng kabaitan—mabait siya sa iyo, at nakikinig siya sa iyo. Sa maayos na pagturing sumisibol ang isang magandang relasyon. Sa ganitong magandang relasyon maitatayo ang isang mayamang karanasan ng edukasyon.
Sa simpleng obserbasyong ito, sa tingin ko, dapat ituntong ang disenyo ng ating mga gawaing pang-edukasyon lalo na para sa mga pinakabatang mag-aaral—ang mga nasa kindergarten. Ang tanong, kumusta na nga ba ang lagay ng programang kindergarten lalo sa ating mga pampublikong paaralan?
Sa utos ng Republic Act 10157, o ang “Kindergarten Education Law,” lahat ng batang nasa limang taong gulang ay dapat na nasa Kindergarten at dumaan sa nasabing antas bago tumuntong sa unang grado. Naniniwala ang Department of Education (DepEd) na sa kindergarten dapat isinasaalang-alang ang mga kritikal na taon sa paglaki ng bata at dapat malinang ang kanyang mga positibong karanasan.
Sinusuportahan ng iba’t ibang pananaliksik na bahagi ito ng panahon ng pinakamatindi at pinakamabilis na paglago at pag-unlad ng utak at isipan ng isang bata. Ito rin ang yugto kung kailan nailalatag ang pagpapahalaga sa sarili, pangkalahatang pananaw sa mundo, at moralidad.
Kung gayon, ang mga guro, katuwang ang iba pang matatandang nangangalaga sa bata, ay dapat gumabay upang mapadali ang pagkatuto ng musmos na mag-aaral sa pamamagitan ng mga kawili-wili at malikhaing pamamaraan. Ipinapalagay na mahuhubog nang mas maayos ang bata sa kurikulum na itinakda ng DepEd kung maipapatupad ito sa tamang paraan.
Subalit paano kung gutom at mahina ang pangangatawan ng marami sa mga batang pumapasok sa kindergarten gaya ng pinapakita sa mga istatistikang ulat mismo ng pamahalaan? Paano kung ang mga guro ay hindi naman sapat ang kasanayan at kaalaman sa paggabay sa mga paslit? Gaano kabait at maunawain ba sa mga naghihirap na mag-aaral ang ating mga guro? Nakikinig ba sila sa kanilang mga guro?
Kung sa maayos na pagturing sumisibol ang isang magandang relasyon at sa magandang relasyon maitatayo ang isang mayamang karanasan ng edukasyon, ang Kindergarten na marahil ang dapat na pinakasinusuportahan nang husto sa mga programa ng DedEd.