Bukod sa pagpapagana sa ating pagkain, ang siling labuyo ay marami ring naibibigay na benepisyong pangkalusugan.
Ni: Shane Elaiza Asidao
ALAM niyo ba na sa kabila ng anghang na taglay ng siling labuyo, maraming makukuhang benepisyo mula rito? Galing sa prutas ng Capsicum pepper plant, isa ang siling labuyo sa popular na sangkap sa ating mga lutuin. Dahil karamihan sa atin ang mahilig sa maanghang na pagkain, kadalasang mayroong suka na may siling labuyo na sawsawan sa hapag kainan.
Ayon sa mga eksperto, ang siling labuyo ay nagtataglay ng mga bitamina at mineral tulad ng Vitamin A, C, folic acid, fiber at potassium na mabisang panlaban sa iba’t-ibang uri ng sakit.
Maliban sa mga bitamina na mayroon ito, nakakatulong din ang pagkonsumo ng siling labuyo sa mga sumusunod:
Nagbibigay sigla sa puso
Base sa artikulo ng Pepperhead, pinipigilan nito ang anumang uri ng sakit sa puso dahil may kakayahan itong magpababa ng blood serum cholesterol at binabawasan nito ang deposito ng lipids, dahilan para maiwasan ang pagbara ng dugo sa puso.
Pagbaba ng timbang
Ayon naman sa website ng ‘Risingsunchatsworth.co.za’, dahil sa init na binibigay ng pagkain ng siling labuyo, nakakatunaw ito ng calories sa katawan na magreresulta sa pagbaba ng timbang.
Nagbibigay lunas sa pamamaga o inflamation
Dagdag pa ng website, isa ang capsaicin sa mga sangkap na mayroon ang siling labuyo. Ayon sa ilang pagsusuri, epektibo itong gamot sa sensory nerve fibre disorders kasama na ang sakit na dulot ng arthritis, psoriasis, at diabetic neuropathy.
Karagdagan pa, dahil ang capsaicin ay nagsisilbing anti-oxidant at anti-inflammatory substance sa katawan, may ilang pagsusuri na nagsasabing nilalabanan nito ang sakit na kanser. Halimbawa na lamang, pinipigilan nito ang paglaki ng prostate cancer cells at epektibo rin para labanan ang breast at pancreatic canser.