Ni: Eugene Flores
PATULOY ang pagsugpo ng pamahalaan sa mga rebeldeng grupo sa bansa, at kamakailan ay natuklasan na maaring may koneksyon ang ibang non-government organizations (NGOs) sa New People’s Army (NPA) kung kaya’t agad na nagpaabot ng liham ang administrasyon sa mga pinagmumulan ng pondo.
Sumang-ayon naman ang mga ambassador ng Belgium at European Union (EU) na i-audit ang mga pondong kanilang ibinigay sa mga NGOs ayon na rin sa mungkahing ipinaabot ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pangunguna ng National Task Force.
Ang pondo ay maaaring ginagamit ng mga rebeldeng grupo upang magpalakas ng kanilang kampo o upang manghikayat pa ng ibang miyembro.
“We are pleased with how the EU Ambassador accepted the submission of the National Task Force (NTF) where the AFP is a part of. The EU did not just commit to look into the voluminous documents the NTF has submitted, it even committed to enlist a third part firm to audit the funds they donated to NGOs we reported to have links with the terrorist Communist Party of the Philippines-New People’s Army,” pahayag ni AFP spokesman Brig, Gen. Edgard Arevalo.
Maging ang Belgium ay tinitutukan ang nasabing koneksyon at nangakong tutulong sa Pilipinas.
“We express our appreciation to the EU and the Belgian Ambassadors to the Philippines for the manifest keen interest of their governments. It shows that they desire to ensure that their support do not end up with the organizations that actually or indirectly support terrorist activities,” dagdag ni Arevalo.
Kumpiskadong mga armas
Pinaigting ng pamahalaan ang laban kontra sa CPP-NPA at kamakailan ay sinugod ng kapulisan at militar ang umano’y safehouse ni Renante Gamara. Nakuha roon ang dalawang granada, isang 9 mm pistol, record book at iba pang dokumento.
Ang operasyon ay bunga ng unang pagkahuli kay Gamara, ang dating pinuno ng Metro Manila Regional Party Committee ng CPP-NPA, sa Imus, Cavite.
“During the first operation, the operatives recovered a suspected fake ID of Gamara that led them to conduct casing and surveillance on the indicated address which prompted the application of another search warrant,” wika ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. Gen. Guillermo Eleazar.
Hinahanap na rin ng pulisya ang caretaker ng bahay na sinugod sa Marikina City na kinilala bilang si Ryan Dizon.
18 pulis pinarangalan ng PNP
Bilang patunay na buo ang suporta ng gobyerno laban sa mga rebeldeng grupo, pinarangalan ng Philippine National Police (PNP) ang 18 pulis na magiting na nakipagtunggali sa mahigit 50 rebelde na nais umanong sakupin ang kanilang police station sa Victoria, Northern Samar.
Pinangunahan ni PNP chief General Oscar Albayalde ang pagbibigay pugay sa kapulisan sa kanilang flag-raising ceremony sa Camp Crame.
“They are a good example of what policemen should be: always ready and aware, and have the instinct to fight the enemy,” wika ng PNP chief.
Iginawad ang Medalya ng Kadakilaan sa mga sumusunod: P/Lt. Eladio G. Alo, ang officer-in-charge sa station, P/Chief MSgts. Marlon Ordonia at Aimee Lutze, P/Sr. MSgt Arturo Gordo Jr. at P/MSgt Arnold Cabacang na tumanggap din ng Medalya ng Sugatang Magiting, P/Staff Sgts Brande Esquilon, Raul Francisco Jr at Ramil Ramosa, Police Cpls Eddie Edwin Diaz, Jaykarl Laurio, Bryan Ed Penaflor, Jake Salesa, at Tracy Silagan, Patrolmen Cris Bernadas, Geral Casyao, Marlon Estopagian, Ronnel Goco at Errol Montopar.
Bagama’t lamang sa bilang ang oposisyon, lumaban ang mga pulis na ito kung saan nakapatay sila ng tatlong rebelde at nakaaresto ng isa.
Ang nangyaring pag-atake ay parte umano ng selebrasyon ng ika-50 taon ng PNP.
Makatarungang operasyon?
Labing-apat ang namatay sa sabay-sabay na operasyon ng otoridad sa Negros Oriental.
Ngunit kinondena ng mga militanteng grupo ang naging aksyon ng kapulisan na tinawag nilang masaker ng mga magsasaka.
Hindi matibay ang ebidensya sa mga namatay, at anila’y napagkamalan lamang ang mga ito.
Pinagtanggol naman ni PNP spokesman P/Col. Bernard Banac ang naging hakbang ng mga tao nito.
“It is the duty of the PNP to enforce the law and maintain peace and order for public safety. And these were done by following the rules of engagement, respect for human rights and presumption of regularity,” aniya.
Naninindigan din ito na sinubukang bumaril at lumaban ng mga magsasaka kung kaya’t lumaban pabalik ang kapulisan sapagkat hindi raw gagamit ng dahas ang kapulisan kung hindi nanganganib ang kanilang buhay.
Ayon kay Banac bukas ang PNP upang sagutin ang katanungan ukol sa pangyayari.
“All allegations raised by some groups will be answered by the PNP at the proper time and at the proper venue.”
Ang sagupaan ng gobyerno at rebeldeng grupo ay apat na dekada nang nagpapatuloy, ito ang pinakamahabang problema sa Asya.
Hindi naging matagumpay ang nais na peace talks ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong ihinto at iutos ang all-out war sa mga rebelde.
Ang hakbang ng pamahalaan sa kasalukuyan ay ang localized peace talks na pinangungunahan ng mga lokal na opisyal.
Patuloy ang pagsugpo ng gobyerno, patuloy ang paglago ng mga rebelde, patuloy ang gulo na nadadamay ang mga inosenteng tao. Ano ang puno? Hanggang saan ang dulo?