Ni: Louie C. Montemar
HALOS isa sa bawat dalawang mangingisda ang mahirap — napakahirap. Nauulat noong dekada sitenta, na nakahuhuli ang Pilipinong mangingisda ng 20 kilong isda sa isang araw. Ngayon, humigit-kumulang na 4.76 kilo na lamang bawat araw ang karaniwang huli nila. Paano napagkakasya ang halagang kikitain mula rito para sa isang pamilyang Filipino na may anim na kasapi?
Dahil sa lagay ng relasyon ng ating bansa sa Tsina ngayon, lalo na ang nauulat na pananakot ng mga Tsino sa mga mangingisdang Filipino sa West Philippine Sea, kabilang pa ang mungkahing reklamasyon sa Manila Bay na maaaring makasama sa kabuhayan ng mga nangingisda pa doon, muling tumitingkad ang mga usapin sa Philippine fisheries.
Sa ganang ito, mahalagang tanungin: Ano ba ang plano ng pamahalaan para sa fisheries at aquaculture sa ating bansa? Saan na patungo ang sektor na ito kung saan nakatali ang buhay ng halos dalawang milyong Filipino at inaasahan ng milyun-milyong konsyumer?
Mayroong tinatawag na Comprehensive National Fisheries Industry Development Plan (2006-2025) ang pamahalaan. Sa kabila nito, nananatili ang malawakang kahirapan sa hanay ng mga mangingisda o namamalakaya, at patuloy ang pagbagsak ng kontribusyon ng pangingisda sa pambansang ekonomiya.
Ayon sa Food and Agriculture Organization (FAO) ng United Nations, ang pangunahing pumipigil sa Pilipinas sa paglutas sa mga problema nito sa pangingisda ay ang hindi sapat na mga sistema ng pamamahala at mga istruktura. Ibig sabihin, nasa mga uri ng patakaran o ang mahinang pagpapatupad ng mga ito ang problema.
Wika pa ng FAO, mayaman naman ang karagatan ng bansa at kung wastong pangangalagaan ito, malaki pa rin ang magiging ambag nito sa kabuuang ekonomiya.
Napakahalaga kung gayon ng isang malinaw na paggiya ng Malakanyang sa sektor. Kapansin-pansing wala pang partikular na pahayag ang Pangulo hinggil sa sektor ng pangingisda. Hindi sasapat ang isang planong noon pa nailatag upang iangat ang buhay ng mga naghihirap na mangingisda. Kailangan ang matamang pamumuno.