Ni: Louie C. Montemar
“Tinatamaan na ng brownouts ang Quezon City, Valenzuela, Navotas, Caloocan, at Malabon. Sumunod sila sa Cavite, Laguna, Batangas, at Bulacan. Dumanas na ng rotating brownouts ang mga lugar na ito at malamang na patuloy pa ang pagdurusa nila sa tag-init.”
Nang magsimulang lumabas ang mga yellow alerts, pahayag ng Department of Energy (DoE) na may mga “parusa” ang mga plantang pumapalya at kailangan na talaga natin ng mga bagong planta dahil karamihan sa mga nakatayo sa ngayon mga luma na at hindi na maayos ang pagbuga ng kuryente.
Higit pa, mismong si DoE Secretary Fuentebella na ang nagsabing mayroon daw tayong sapat na suplay ng kuryente para sa buong summer ngunit kailangang bantayan ang katayuan ng bawat planta ng kuryente.
Dagdag pa, sinabi na rin ng DoE na magpapatuloy ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa pagbabahagi ng mga yellow alert sa media ngunit hindi naman daw dapat isama pa ang listahan ng mga plantang pumapalya.
Ano po ba talaga Secretary Fuentebella? Bakit tila tulak-kabig ang inyong mga pahayag? Ngayong nagkaroon na tayo ng red alert at ibig sabihin kakapusin na ang suplay, kaya nga may mga brownout na, paano na?
Kailangan natin ng mas malinaw na direksiyon at mas tiyak na mga hakbangin upang maharap ang hamon ng kasalakuyang sitwasyon sa supply ng kuryente.
Isa rito ang ang patuloy na paglalabas ng listahan ng mga planta at dahilan para sa pagtigil operasyon nila. Ipagpatuloy ang pagpapahayag ng mga alerto sa suplay ng kuryente. Dapat ipagbigay-alam ito sa publiko nang mamonitor ang maaaring sabwatan sa mga kasali sa pamilihan ng enerhiya upang itulak pataas ang presyo ng kuryente, gaya ng pagtaas na makikita ngayon sa presyuhan sa Wholesale Electricity Spot Market o WESM matapos ang unang serye ng mga brownout.
Nariyan din ang tinatawag na Interruptible Load Program (ILP) ng DoE at ng Energy Regulatory Commission (ERC) upang magkatulong na mapawi ang kakulangan sa suplay ng enerhiya hanggang makuha ang mga bagong kapasidad sa grid. Sa programang ito, ang mga kompanyang may mga stand-by capacity generation na lumahok sa ILP ay babayaran kung gagamitin nila ang kanilang sariling mga pasilidad upang makatulong tugunan ang pangangailangan sa suplay ng kuryente.
Subalit sapat ba talaga ang mga pansamantalang tugon na gaya nito? Red Alert na! Nagba-brownout na sa harap ng matinding init at maghahalalan pa. Hindi ba kailangan ng mas mabilis pang aksiyon na may pangmatagalang epekto?
Paano na ang mga pumapalyang planta DoE? Red Alert na!