MAAARING makamit ang porselanang kutis gamit ang banana facial mask.
Ni: Vick Aquino Tanes
ALAM n’yo bang maaaring makamit ang kutis porselana sa murang halaga. Hindi na kailangan pang pumunta sa mga derma clinic para magpaganda dahil mayroon puedeng gamitin para rito na makikita sa loob ng bahay at menos gastos pa.
Siguradong swak sa budget at tiyak pang ligtas dahil natural ingredients ang taglay nito na nakapagpapaganda, nakapagpapaputi at nakakapagpakinis ng kutis gaya ng mga sumusunod:
- Banana facial mask. Maaaring gamitin ang saging bilang natural at gawa sa bahay na facial mask at moisturizer. Garantisadong nagpapaputi at nagpapabata ito. Kumuha ng isang katamtamang laki ng saging, durugin ito para maging isang paste at ilagay ito sa mukha at sa leeg. Hayaan ito sa mukha at leeg ng 10 hanggang 20 minuto at banlawan ng malamig na tubig.
- Oatmeal facial mask. Maghanda ka ng oatmeal facial mask sa pamamagitan ng paghalo ng ½ tasa ng mainit na tubig pero siguraduhing hindi kumukulo, at 1/3 tasa ng oatmeal. Pagkalipas ng dalawa o tatlong minuto, haluan ito ng 2 kutsarang yogurt, 2 kutsarang honey at isang maliit na itlog (kunin lamang ang puti). Lagyan ang mukha ng manipis na mask at hayaan ito sa loob ng 10 hanggang 15 minuto. Banlawan gamit ang maligamgam na tubig.
- Gatas facial mask. Gumawa ng facial mask gamit ang ¼ tasa ng gatas na powder na may sapat na tubig para makagawa ng makapal na paste. Lagyan ang mukha hanggang sa matakpan ang balat. Hayaang matuyo ang mask at banlawan ng maligamgam na tubig. Mararamdaman mo na mas maputi at bumata ang iyong mukha pagkatapos.
- Egg facial mask. Mabisa namang pangpasariwa ng balat ang itlog. Kung tuyo ang balat mo, ihiwalay ang puti at batihin ang pula ng itlog. Kung oily naman ang balat mo, kunin ang puti ng itlog at haluan ng kalamansi at honey. Para sa normal na balat, puwede mong gamitin ang buong itlog, batihin, ilagay sa mukha at magrelax. Maghintay ng 30 minuto at banlawan.
- Mayonnaise facial masks. Ipahid ang mayonnaise sa mukha hanggang matakpan ang lahat ng balat sa mukha at iwanan ito ng 20 minuto. Punasan at banlawan ng malamig na tubig. Mararamdaman mong kuminis at pumuti ang mukha mo.
- Kalamansi facial mask. Natural na nakapagpapaputi ang kalamansi, Gumawa ng facial mask sa pamamagitan ng paghalo ng katas ng kalamansi sa ¼ tasang olive oil. Ipahid ito sa mukha at hayaan ng 10 hanggang 20 minuto at banlawan.
- Yogurt facial mask. Para linisin ang mukha at paliitin ang mga pores o butas ng balat, maglagay ng yogurt sa mukha at iwanan ito ng 20 minuto. Para gumawa ng facial mask, maghalo ng isang kutsarang yogurt at katas ng kalamansi at isang kutsarang gulaman ng aloe vera. Ilagay ito sa mukha at banlawan pagkalipas ng limang minuto.
- Vinegar facial mask. Pagkatapos maghilamos, maghalo ng 1 kutsarang apple cider vinegar at 2 baso ng tubig para linisin ang iyong balat.
SUBUKAN ang otameal facial mask upang maging makinis ang iyong mukha.
Puwede ring gumawa ng facial mask gamit ang ¼ baso ng apple cider vinegar at ¼ baso ng tubig. Marahan itong ipahid sa mukha at hayaang matuyo.