ON-DUTY. Abala ang mga tauhan sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa tuwing may humahagupit na bagyo sa ating Philippine Area of Responsibility. Sa larawan ay abala sila sa pag-deklara ng kanseladong flights dulot ng bagyo.
Ni: Joyce P. Condat
“Ang buhay ay weather-weather lang.”
Iyan ang bantog na tag-line ni Kuya Kim sa tuwing pagtatapos ng kanyang ulat-panahon.
Marahil may mga panahong talagang nasasabi natin ang mga katagang ito. Ngunit hindi ganito ang kaso para sa mga weatherman.
Tungkulin ng isang weatherman na tukuyin ang magiging lagay ng panahon sa mga susunod na araw. Nakasalalay sa kanilang mga kamay ang kaligtasan ng bawat Pilipino sa panahon ng sakuna. Nangangailangan ito ng walang humpay na pagkakayod upang makapagbigay ng serbisyo sa ating mga kababayan.
Tracking the sky…helping the country
Ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration o PAGASA ang ahensya na nag-uulat ng balita tungkol sa lagay ng panahon, meteorolohiya, agrikultura, astronomiya, at iba pa. Tungkulin din nilang mag-iwan ng babala sa mga tao sa panahon ng delubyo o sakuna. Ang class suspensions mula sa ahensya nila ang pinananabikan ng bawat estudyante sa tuwing malakas ang buhos ng ulan.
“Ang pagiging doktor, isa, dalawa or iilan lang ‘yung pwede niyang matulungan sa kanyang propesyon. Pero sa weather observer, itong mga simpleng bagay na ginagawa lang namin milyon-milyong buhay yung kaya naming i-save.” ani Munir J. Baldomero, isang Weather Observer sa PAGASA.
Tungkulin ng isang weather observer na masusing tignan ang atmospera, temperatura, bilis ng hangin, at iba pa upang magtala ng lagay ng panahon sa susunod na tatlo hanggang anim na oras o mga araw pa man. Bawat empleyado ng PAGASA ay nagsisimula sa pagiging weather observer upang maunawaan nang maigi ang galaw ng panahon at mula rito ay maaari silang ma-promote hanggang sa maging isang senior forecaster.
“Helping the country, yung binibigyan ng babala yung mga kakabayan natin pati na yung mga business communities, para mailigtas nila yung kabuhayan nila. Pati na rin yung buhay ng mga kababayan natin, mailigtas. Yun yung tracking the sky, helping the country,” ayon naman kay Renito Paciente, Assistant Weather Services Chief ng PAGASA. Tungkulin niya bilang weather forecaster ang maghatid ng ulat at mga paalala sa ating mga kababayan tungkol sa bagyo.
Nagsimula rin si Paciente sa pagiging isang weather observer. Marami siyang pinagdaanang mga pagsasanay, kurso, at mga posisyon sa PAGASA bago sya naging isang Assistant Weather Services Chief.
ON-DUTY. Abala ang mga tauhan sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa tuwing may humahagupit na bagyo sa ating Philippine Area of Responsibility. Sa larawan ay abala sila sa pag-deklara ng kanseladong flights dulot ng bagyo.
Talagang ‘trabaho, trabaho’
Taliwas sa sabi ni Kuya Kim, hindi sila naniniwala na ang buhay nila ay “weather-weather” lang.
“Hindi ka pwedeng natutulog dito… yung magpabaya. So hindi “weather-weather.” Talagang trabaho, trabaho,” ani Paciente. Ayon din sa kanya, nararanasan din nilang magtrabaho nang walang hinto sa loob ng 24 oras lalo na sa panahon ng sakuna.
Madalas din niyang hindi nakakasama ang kanyang pamilya sa mga mahahalagang okasyon tulad ng Bagong Taon at Pasko. “Talagang wala, maniwala ka, 20 years, di ako nakauwi ng Pasko [at] New Year sa amin. Kasi bawal nga magbakasyon,” ani Paciente.
Sa gitna ng malakas na hangin at mabigat na buhos ng ulan, kailangang lumabas ang isang weather observer upang tukuyin at sukatin kung gaano katindi ang humahagupit na bagyo. “Ang kalaban mo dyan, hindi lang yung hangin… ‘yung ulan. Ang dami,” ani Baldomero.
Hindi nila alintana ang dulot na panganib na hatid ng kidlat at sakit na maaaring makuha sa ulan. Kung kinakailangan sumugod sa gitna ng unos upang magkaroon ng saktong kalkulasyon sa bagyo, hindi sila nag-aatubiling gawin ito.
“Yung isa sa mga pinaka-delikadong bagay pagdating sa pagiging weather observer ‘yung makikipaglaban ka sa bagyo—‘yung makikipaglaban ka sa kidlat, na hopefully na ‘pag lumabas ka sa istasyon, somewhat hinihiling mo na sana hindi ikaw yung tatamaan ng kidlat,” sabi ni Baldomero.
“Dangerous yung isang araw na lumabas kami na talagang meron tayong thunderstorm overhead sa istasyon wherein may kasama rin akong mga estudyanteng nagte-training. ‘Yun ‘yung paglabas namin biglang tumama somewhere dito sa area na kidlat so talagang after ng incident, maamoy mo talaga na parang may amoy kuryente sa area which is ‘yun ‘yung nakakatakot. Gusto mong gawin ‘yung trabaho mo kaso pinipigilan ka ng weather increment na ‘yon,” kwento pa niya.
Nasusuklian din naman ang kanilang mga paghihirap. Para kay Paciente, ang pinakamasayang karanasan niya ay noong hinirang siyang model employee ng buong PAGASA. “Last year lang ‘yun naging model ako ng PAGASA sa supervisory level. Eh ang dami namin. Kasi may mga field stations pa kami eh, so sabihin mong nasa 800 kami. So, ako yung naging division model ng buong PAGASA. So nagiging grand slam pa yun,” sabi niya.
Malaki ang responsibilidad na hawak ng isang weatherman. Mahirap man ang ginagampanan nilang trabaho, handa silang ipagpatuloy ito upang makapaglingkod sa ating mga kababayan. Patuloy silang magbibigay ng paalala sa tuwing hahagupit ang malakas na bagyo. Tunay ngang hindi weather-weather lang ang buhay ng isang weatherman.