Iba pang uri ng kanin, pwedeng gawing alternatibo sa nakasanayan nang puting kanin ng Pinoy.
Ni: Jonnalyn Cortez
HINDI kumpleto ang pagkaing pinoy kung walang kanin. Ano pa nga bang magandang ipares sa mga ulam na tulad ng kare-kare, menudo, caldereta, at marami pang iba kung hindi kanin?
Kaso nga lamang, ang nakasanayang kanin ng Pilipino ay maaaring sabihing hindi nakakabuti sa katawan dahil sa kakaunting taglay nito na mga bitamina at mineral kung ihahambing sa ibang uri ng kanin. Ang calories na dala nito ay wala ring epekto sa energy level ng isang tao.
Kaya, ito ang limang uri ng kanin na pwedeng ipalit sa nakasanayang puting kanin na may hindi tataas na 300 calories kada hain.Adlai. May taglay ito ng mas maraming protein at “good fats” kumpara sa regular na puting kanin. Nakakatulong ito sa pag-regulate ng blood sugar at blood pressure at wala pang gluten. Dalawang daan lamang kada tasa ang taglay na calories ng adlai at ito ay may lasang neutral o parang mani.
Brown Rice. Mas maraming dalang protein at tatlong beses na mas maraming fiber ang brown rice kung ihahambing sa white rice. Kaya nitong i-regulate ang blood sugar at insulin, at pababain ang panganib ng heart disease. May lasang parang mani at gulay ang brown rice na may 216 calories kada tasa.
Red Rice. Puno ng mga flavonoid at antioxidants ang red rice na may kakayahang labanan ang free radicals.
Mayaman din ito sa protein at fiber, at pinapababa ang panganib ng pagkakaroon ng malalang sakit. Mayroong nutty taste ang red rice katulad ng brown; 200 calories lamang ito kada isang tasa.
Quinoa. May dalang essential amino acids ang quinoa kaya tinawag ito na “complete protein” na kayang pabilisin ang metabolism at pababain ang blood sugar at insulin. Iba-iba ang lasa ng quinoa: mula earthy hanggang neutral, depende sa uri ng mabibili. Meron itong 218 calories kada isang tasa.
Shirataki. May kakayahan ang shirataki na pababain ang carbohydrate at cholesterol absorption at kayang labanan ang pamamaga ng colon. Nasa 20 calories lang din ang isang tasa ng shirataki kaya maaari itong makatulong sa pagbabawas ng timbang. Wala namang lasa ang kaning gawa sa shirataki.
Maraming pwedeng gawing alternatibo sa nakasanayan ng mga Pilipino na puting kanin. Ang dapat lamang gawin ay maging adventurous sa pagkain at huwag matakot na sumubok ng ibang kanin bukod sa puting kanin.