Ni: Dennis Blanco
ANG Climate Change Governance ay isa sa mga emerging programs na naglalayong pag-ibayuhin ang pangangalaga ng kapaligiran. Unti-unti nang nakikita ng mga bansa ang kahalagahan ng pagbabalangkas ng mga climate change adaptation at mitigation programs na dapat maisabatas upang maipatupad ang malawakang pagkilos para maibsan ang matinding epekto ng climate change.
Ang proseso ng climate change governance ay may apat na aspeto: ang formulation ng agenda, paggawa ng batas, pagpapatupad nito, pagmamasid sa kinalabasan at pagdedesisyon sa mga angkop na hakbang sa harap ng mga hamon ng climate change.
Samakatuwid, ang mga ito ay inaasahang tutuparin ng lahat ng sektor na kinauukulan sa mga bansa bilang bahagi ng kanilang public policy.
Bagamat may mga international treaties, conventions at protocol hinggil sa pangangalaga ng kapaligiran at pagpapahalaga sa kalikasan, ang mga batas at polisiyang ito ay hindi sapat kung ang mga pribadong korporasyon ay hindi makikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan. Higit pa rito, kapag nag hawak-kamay ang dalawang sektor, tiyak na makakahanap ng mas malikhaing paraan para malutas ang mga problemang dulot ng climate change.
Halimbawa, ang prinsipyo ng “Governing through enabling” na nagbibigay diin sa papel ng lokal na pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor para maengganyo ang buong pamayanan na makibahagi upang maibsan ang epekto ng climate change. Magagawa ito ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng mga positive incentives.
Lubos na mahahalaga ang pribadong sektor at lokal na pamahalaan sa usapin ng climate change governance dahil nakasalalay dito ang mga programa ng pamahalaan at mga proyektong isusulong na pagtutulungan nila.
Sa kabuuan, ang climate change governance ay nangangailangan ng patuloy na pag aksiyon ng tripartite actors — ang gobyerno, pribadong sektor at sibil na lipunan —para magkaroon ng stable financial at long term human resources para sa low-carbon development.
Gayun din ang patuloy na pag-aaral at pagsasaliksik ay higit na kailangan para matupad ang layunin ng integration ng climate change development sa pagdisenyo ng mga polisiya sa climate change na nagpapatibay ng mga gawain higit sa maliit na porsiyento ng mga voluntary actors sa climate change.
Ang mga lokal na pamahalaan din ay makakaranas ng panlabas at panloob na mga balakid sa kanilang paghahanap ng solusyon sa mga epekto ng climate change tulad ng baha, tagtuyot, sakit, kawalan ng pagkain at kakulangan sa supply ng tubig sa kadahilang limitado ang kanilang mga resources at kulang ang kanilang autonomy sa mga policy areas na may kinalaman sa polisiya sa industriya, tubig, yaman at pangangasiwa ng agrikultura. Ang paghawi ng mga balakid na nabanggit ay sadyang mahalaga para sa epektibong climate change adaptation at mitigation.
Ang ilang mga lunsod at bayan ay halos walang long-term plan para sa climate change adaptation dahil ang ilang municipal culture ay may mga katangiang inilalarawan na management by crisis, na nagbubunsod sa mga lungsod at bayan na sobrang umasa sa emergency measures, inertia at oral communication lamang sa mga mahahalagang tauhan kung saan nakaatas ang pangangalaga ng kalikasan.
Sa bandang huli, mahalaga na magkaroon ng mga seminar at pagsasanay sa panig ng mga pribadong sektor at lokal na pamahalaan tungkol sa environmental education na nagbibigay diin kung paano paghandaan at haharapin ang climate change at global warming para pag-ibayuhin pa ang mga gawain ng dalawang sektor sa paggamit ng edukasyon at teknolohiya sa pagsugpo sa mapinsalang mga epekto ng climate change.