Pinuri ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo si Pangulong Rodrigo Duterte at ang Economic Team nito sa epektibong mga hakbang para pababain ang inflation rate sa bansa.
Larawan mula sa PNA
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
UNTI-UNTI na ngang nakakahinga ang bulsa ni Juan Dela Cruz sa patuloy na pagbaba ng inflation rate sa bansa nitong mga nagdaang buwan. Laking pasasalamat ngayon ng maraming Pilipino dahil kahit papaano’y humupa na ang sunod-sunod na pagtaas ng mga bilihin.
Sa pinakabagong ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa pinakamababang lebel sa loob ng 16 buwan ang inflation rate sa bansa.
Naitala nitong Abril ang 3 porsyentong inflation rate mula 3.3 porsyento noong Marso, indikasyon ng downward trend na nagsimula noong Nobyembre 2018.
Ayon sa PSA, ito ay bunsod ng patuloy na pagbagal ng pagtaas ng presyo ng pagkain, non-alcoholic beverages, gasolina, housing, water, electricity, at iba pang miscellaneous goods and services.
Isang dahilan din na tinukoy ng gobyerno sa pagbaba ng inflation ay ang pagsasabatas ng Rice Tariffication Act.
Ayon kay Nicholas Mapa, senior economist ng ING Bank Manila, bago pa man naging epektibo ang Rice Tariffication Law, nakitaan na ng pag-normalize ang presyo ng pagkain. Isa itong mabuting indikasyon na di malayong maabot ng gobyerno ang target inflation rate sa 2 hanggang 4 percent range para sa taong ito.
“With supply chains normalizing, the 2018 inflation pop has faded very quickly with inflation now firmly within target to help solidify expectations for within-target inflation for this year and next,” wika ni Mapa.
UMANI NG PAPURI
Ayon sa Malacañang, ang “strong political will and decisive action” ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang dahilan ng pagbaba ng inflation rate. Pinatutunayan din nito na mali ang mga kritiko ng Pangulo sa pagsasabing hindi niya priority ang ekonomiya ng bansa.
“The current disinflation proves PRRD’s competence in managing our country’s economy while it disproves those who criticize him for over-focusing on our nation’s peace and order situation,” wika ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Pinuri rin ni Panelo ang economic managers ng Pangulo na gumawa ng mga hakbang upang mapanatiling stable ang macro-economy ng bansa sa gitna ng pagsirit ng presyo ng mga bilihin noong nakaraang taon.
Gayon din, pinuri ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang economic managers ng administrasyon dahil sa kanilang “decisive actions” nakatulong upang pababain ang inflation rate ng bansa mula sa 6.7 porsyento noong Setyembre, na ngayo’y nasa 3 porsyento.
“Good. Congratulations to our economic managers,” wika ni Arroyo, na isang ekonomista at dating pangulo ng bansa.
Naunang iminungkahi ni Arroyo na kailangang bilisan ng Duterte Administration ang pagpapatupad ng mga programa nito nang agad mararamdaman ng mga ordinaryong mamamayan.
“In general, to the extent that so-called domestic supply side factors are involved, the government’s agencies must act quickly on the implementation side, to get the plans and programs going on the ground and produce results our people will feel in their day to day lives,” aniya.
Nang maitala ang mahigit 6 porsyentong inflation rate, agad bumalangkas ng mga polisiya ang economic team ng administrasyon sa pangunguna ni Finance Secretary Carlos Dominguez III.
Nagbigay sila ng mga recommendation sa Pangulo upang matugunan ang mabilis na pagtaas ng mga bilihin noon, na agad namang inaprubahan ng Chief Executive.
Ilan sa mga direktiba na agad ibinaba ng Pangulo ay ang Administrative Order (AO) No.13 na nagtatanggal sa administrative restrictions sa importasyon ng agricultural products; Memorandum Order (MO) No.26 na nag-aatas sa Department of Agriculture at Department of Trade and Industry na magpatupad ng mga hakbang para pababain ang farm gate at retail prices ng agricultural products.
Kabilang dito ang pag-set up ng public markets kung saan direktang makakapagtinda ang mga producers sa mga consumers.
National Economic and Development Authority Director-General at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto M. Pernia. Larawan mula sa PNA
PRESYO NG BIGAS BABABA PA
Kasama rin sa mga hakbang para pababain ang inflation rate at mapanatiling sapat ang suplay ng bigas sa bansa ang pagsasabatas ng Pangulo sa Rice Tariffication Act nitong Pebrero.
Naniniwala si DTI Secretary Ramon Lopez na mas magiging abot-kaya ang bigas sa mas malayang pagpasok ng imported rice sa bansa. Aniya, mayroon nang mabibili ngayon na P34 na bigas, na mas mababa kumpara sa presyo ng butil noong kasagsagan ng inflation, na sumipa sa P55 hanggang P60 per kilo.
Dagdag niya, kapag mas maraming private traders ang nag-import ng bigas, maaaring lalong bumagsak pa ang rice prices ng hanggang P30.
“Hopefully, it can be even below P30. I’m not just committing, let market forces determine it,” sabi ni Lopez.
Pinapayagan ng Republic Act 11203 o Rice Liberalization Act, ang pribadog sektor na malayang mag-angkat ng bigas mula sa ibang bansa. Naalis din nito ang regulatory and import licensing functions ng National Food Authority.
“That’s the free market mechanism so hindi na government ang nagsasabi bawal ka magpasok. Kaya wala na import permit,” sabi ni Lopez.
Samantala, napapanahon ang pagpapatupad ng rice tariffication dahil nakatulong ito na maibsan ang epekto ng El Niño, ayon kay National Economic Development Authority Director-General Ernesto Pernia.
“The thing about inflation is that rice is a problem when there is a domestic shortage and if there is a problem in the timing of import. This time, the timing will be right on the dot because importers are adept at responding to the perceptible shortages. They are better at estimating when it is profitable and when it is not,” aniya.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, pumalo na ang total damage ng El Niño sa sektor ng agrikultura sa halos P3 bilyon.