Lumilibot sa iba’t-ibang panig ng bansa si PCOO Secretary Martin Andanar upang pangunahan ang Dismiss Disinformation Campaign ng pamahalaan.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
PARA sa isang mamamayan na nabubuhay sa makabagong panahon, hindi pwedeng wala siyang access sa mass media dahil nakasalalay dito ang pagdesisyon niya araw-araw sa mga mahalagang bagay at gawain.
Malaki ang impluwensiya ng mga balitang nasasagap sa desisyon kung paano maglalakbay sa pupuntahan, paano pagkakasiyahin ang badyet para maitawid ang buong linggo, at maging ang damit na isusuot ayon sa lagay ng panahon.
Ganoon kahalaga ang mass media. Tungkulin ng media sa lipunan maging tagapaghatid ng tamang impormasyon at tagatuklas ng katotohanang huhubog sa kaalaman, paniniwala, at opinyon ng mga mamamayan.
Kaya naman nakaatang sa balikat ng mga manunulat sa pahayagan at mga broadkaster sa radio at telebisyon ang responsibilidad na itaguyod ang tama, makatarungan, at makatwiran.
Sa isang demokrasya, ang media ang tumatayong watchdog o tagapagbantay ng public interest laban sa katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga opisyal ng gobyerno o sinumang maimpluwensyang tao. Ito ang Fourth Estate ng Estado na dapat natatakbuhan ng mamamayan sa kanilang paghahanap ng katotohanan upang makamit ang katarungan.
Kaya naman sa isang demokratikong bansa gaya ng Pilipinas, mahalagang mapangalagaan ang kalayaan sa pamamahayag. Ito ang puntong binigyang diin ni United Nations Secretary-General Antonio Guterres.
“A free press is essential for peace, justice, sustainable development and human rights. No democracy is complete without access to transparent and reliable information. It is the cornerstone for building fair and impartial institutions, holding leaders accountable and speaking truth to power,” wika ni Guterres sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng World Press Freedom Day kamakailan.
Dulot ng paglago ng teknolohiya ang mabilis na palitan ng impormasyon sa mundo. Subali’t may ilan na ginagamit ito sa pagpapalaganap ng maling impormasyon na may mga negatibong epekto sa lipunan.
Ayon sa mataas na opisyal ng UN ginagamit ng ilang sektor ang maunlad na teknolohiya upang iligaw ang kaisipan ng publiko, at para maghasik ng pagkakabaha-bahagi, karahasan, at poot sa lipunan.
“Civic space has been shrinking worldwide at an alarming rate. And with anti-media rhetoric on the rise, so too are violence and harassment against journalists, including women,” ani Guterres.
Batay sa ulat ng United Nations Educational Scientific and Cultural Organization (UNESCO), nasa 100 journalists ang pinatay noong 2018 samantalang daan-daan ang ikinulong—bagay na ikinababahala ni Guterres.
“When media workers are targeted, societies as a whole pay a price. I call on all to defend the rights of journalists, whose efforts help us to build a better world for all,” aniya.
PRESS FREEDOM, PROTEKTADO
Nakahandang tumugon ang gobyerno ng Pilipinas sa panawagan ng UN secretary general dahil batid ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na ang media ay katuwang ng pamahalaan sa pagsusulong ng reporma tungo sa pag-unlad ng bansa.
Nangangamba si United Nations Se cretary-General Antonio Guterres sa mataas na bilang ng media killings at impunity sa buong mundo kaya nananawagan siya na protektahan ang kalayaan sa pamamahayag.
“Asahan niyo po na patuloy na irerespeto ng Duterte administration ang press freedom sa bansa, taliwas sa mga alegasyon ng ilan,” wika ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar.
Aniya, isang katunayan ay ang pagbuo ng Pangulo sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), na inaprubahan ng Pangulo sa unang buwan pa lang ng kaniyang termino, upang lutasin ang mga harassment at media killings sa bansa.
“Tayo naman po ay kaisa ng lahat ng mediamen sa bansa at sa buong mundo sa pagsusulong at pangangalaga sa karapatan sa press freedom,” dagdag ni Andanar.
Ayon naman sa Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR), mula 2016, mayroong 28 reports ng iba’t-ibang pag-atake sa media workers. Kabilang dito ang media killings, online harassment, pag-aresto, at pagsibak sa mga online articles na tumutuligsa sa maimpluwensyang mga tao. Mas mababa umano ang naturang bilang kumpara sa mga naitala noong mga nagdaang administrasyon.
Sa 2019 World Press Freedom Index ng Reporters Without Borders, ang Pilipinas ay nag rank sa ika-134 sa 180 na bansa; bumaba ng isang puntos mula 133 noong 2018. Ang pinakamataas na ranking na nakuha ng Pilipinas ay 127 noong 2017, samantalang ang pinakamababa naman ay 149 noong 2014.
Samantala, siniguro ni Salvador Panelo, spokesman ng Presidente, na patuloy na isusulong ni Pangulong Duterte ang press freedom sa bansa sa kabila ng mga pagtuligsa ng ilang kawani ng media sa kaniyang liderato.
“As he himself said to the members of the media and by paraphrasing the words of Evelyn Beatrice Hall in her book entitled, ‘The Friends of Voltaire’, ‘I may not agree with what you have to say, but I’ll defend to the death your right to say it,’” sabi ni Panelo.
Dagdag nito, nagpatupad ang pamahalaan ng mga pagbabago sa mga state-run media organizations tulad ng pagpapabuti ng pasilidad ng People’s Television (PTV-4), pagtatayo ng mga Broadcast Hubs sa Davao at Cordillera, at ang pagbubukas ng Salaam TV, ang kauna-unahang Muslim-oriented television channel sa bansa. Sa hinaharap naman ay ilulunsad na rin ang Lumad TV.
“The Duterte administration assures members of the press that it will support them in the free exercise of their profession and in crafting accurate, fair and non-partisan reports for the Filipino people,” sabi ni Panelo.
TARGET: FAKE NEWS
Patuloy pa rin ang kampanya ng PCOO kontra sa fake news sa pamamagitan ng Dismiss Disinformation advocacy program. Umiikot sa buong bansa si Andanar para suportahan ang state-run media organizations sa pagtuturo sa publiko ng pagtukoy kung tama ba o mali ang impormasyong nakakalap mula sa internet.
Naniniwala rin ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na dapat ngang matutukan ang lumalalang problema ng disinformation sa bansa dahil apektado rin ang kredibilidad ng media.
“In terms of news disinformation, ito ang pinakasagad. Organized trolls, fake news,” sabi ni NUJP national media safety officer Sonny Fernandez.
Kaya naman, wika ni Andanar, kailangan himukin na maging mapagbantay ang mga social media users hinggil sa mga online information na maaaring black propaganda.
“But because we are living in a democratic government in which social media democratized information through ‘free press,’ we must face the challenge of the 4th Estate and as a new platform of information,” sabi ng PCOO chief.
Nguni’t paano nga ba malalaman kung may disinformation? Ayon kay Andanar, una, kailangang matukoy kung legitimate o mapagkakatiwalaan ang pinagmulan ng impormasyon. Pangalawa, basahin ang buong artikulo at suriin kung tama at hindi nagbabago ang mga detalye. Kung hindi pumasa sa mga pamantayang ito, huwag basta-basta i-share upang hindi kumalat pa ang fake news.
Payo naman ng multi-awarded at batikang broadcast journalist na si Jessica Soho, huwag gawing batayan ang dami ng shares at likes ng isang artikulo sa social media para masabing totoo ito.
“Truth is not based on the number of likes and shares, your source of news should not be your Facebook news feeds but legitimate news sources,” wika ni Soho, na recipient ng UP Gawad Plaridel 2018.