Pasyalan ang mga malaparaisong nakatagong isla sa Palawan.
Ni: Anna Mae Alpuerto
PASYALAN natin ang mga nakatagong ganda ng Palawan gaya ng Isla ng El Nido na matatagpuan sa Mimaropa Region ng South Luzon ng Pilipinas. Humigit kumulang dalawang oras ang byahe patungong El Nido mula sa airport ngunit sulit naman ang mahaba-habang byahe mo dahil maraming magagandang tanawin na hindi pa natutuklasan dito. Tara na at pasyalan ang El Nido.
Isa sa mga ito ay ang Isla ng Miniloc na akala natin ay tulad lamang ng pangkaraniwang mga isla na magagandang dalampasigan lamang ngunit lingid sa kaalaman ng lahat ang Isla ng Miniloc ay may mga tinatagong tanawin na ngayon pa lang natutuklasan.
Sa paglilibot namin sa isla ay may natuklasan kaming malaparaisong lugar sa likod ng mga batong nagmimistulang harang upang maitago ang munting paraiso. Isang mundo sa likod ng karst rocks na nakatago sa kabilang panig. At para makapasok dito, kailangan mong paikutin ang iyong katawan tulad ng isang pretzel. Mahirap at makipot man ang daanan dito di mo ito alintana dahil sa kakaibang gandang masisilayan mo sa sandaling ikaw ay makapasok dito. Malilimutan mo ang pinanggalingan at mistulang parang narating mo ang ibang mundo.
Kabilang sa mga magagandang lugar na mapupuntahan dito sa isla ay ang mga sumusunod:
Secret Lagoon
Secret Lagoon. Mas maliit pa ito kaysa sa Secret Beach at ang temperatura sa loob nito ay mas malamig dahil sa mga anino ng mga limestone cliff na nakapaloob dito. Mababaw lamang ang tubig sa loob nito kaya masasalamin mo ang magagandang corals at puting buhangin. Isa lamang ito sa mga isla na aming naikot dito sa El Nido. Marami pang mga sikretong hatid ang isla ng Palawan hindi lamang dito sa El Nido.
Payong-Payong Beach
Payong-Payong Beach. Ito ay isa sa maraming puting sand beach ng Miniloc Island. Tulad ng karamihan sa mga tabing-dagat ng El Nido, ito ay may mga limestone cliff din bagaman hindi kasing taas ng iba ay makikita mo ang ganda ng pagkahulma ng mga bato dito. Gayunpaman ganap na nakakarelaks ang tanawin dito dahil ito ay nasa ilalim ng lilim ng mga bato. Habang sa isang gilid naman ng dalampasigan ay matatanaw mo naman ang pinaghalong kulay berde at asul na dagat.
Big Lagoon
Big Lagoon. Isa rin ito sa mga sikat at mas paboritong puntahan ng mga bakasyonista na mahilig mag relax dahil bukod sa magagandang tanawin nito ay madalas rin itong dayuhin ng mga divers dahil sa coral reefs nito na talaga namang bukod tangi.
Marami pang mga nakatagong isla na hindi pa pamilyar sa mga turista lalo na sa ating mga Pilipino dahil lingid sa ating kaalaman ang Palawan ay isang paraisong natutulog na naghihintay lang na matuklasan ng mas maraming tao. Ang mahigit isang libong isla dito ay may iba’t-ibang maihahandog na angking ganda at likas na yaman. Maganda ring pang family bonding or group activities ang isla ng Palawan dahil sa napakaraming mga magagandang destinasyon ay very educational din ito para sa mahilig sa marine at wildlife, dagdag pa ang kaigaigayang kapaligiran at ang magiliw na pagtanggap ng mga tao dito sa mga bisita. Bukod sa mga white sand beach dito ang mga underwater caves ng Palawan ay isa sa pinaka popular na destinasyon ng mga dumarayo dito. Kaya wag na maging dayuhan sa sariling bayan tara na at tuklasin ang natural na ganda ng ating bayan.