Ni: Eyesha Endar
LALONG lumalaki ang kumpetisyon sa larangan ng negosyo ngayon. Kaya hindi maiwasan na minsan ay madadaya ka sa mura at magandang anyo ng isang bilihin dahil sa mga gimik ng isang negosyante. Upang maiwasang mabiktima ng mga walang kalidad na bilihin at hindi masayang ang pera mo, narito ang ilang dapat mong isaalang-alang.
- MAGING MAPANURI
Dapat maging “wais” ka sa pagbili ng isang produkto. Suriin ang lahat ng bahagi nito kung ito ba ay walang depekto at kung makatwiran ang presyo nito. Tingnan mabuti ang mga sangkap, presyo, timbang, at expiration date ng produkto at ihambing ito sa iba pa upang malaman ang kapakinabangang makukuha sa pagbili nito.
- HUWAG MAGPALINLANG SA MGA ANUNSYO NG MGA SIKAT
Ang kalidad ng produkto ang isinaalang-alang at hindi ang pag-aanunsiyo ng produkto, kung saan kilalang tao ang ginagamit sa pag-eendoso. Dapat mong tandaan na hindi ito basehan bagkus ang produkto mismo ang dapat mong siyasatin.
- HUWAG MAGPABIKTIMA SA MGA MANDARAYA
Laganap sa panahon ngayon ang panglalamang sa mamimili sanhi ng sobrang hirap at kagipitan sa buhay. Hindi excuse ang hirap ng buhay, pero sa panahong ito, kailangan talaga mag-ingat. Lagi mong pakatandaan na kadalasang nangyayari ito sa sukli, timbangan, at kalidad ng produkto. Ang matalinong konsyumer ay laging alerto, mapagmasid, aktibo, at handa na labanan ang mga tiwali at maling gawain ng mga tindero at negosyante.
- MAKATWIRANG PRESYO
Hindi pinupulot ang pera sa daan bagkus ang isang matalinong konsyumer ay sinisiguradong kapaki-pakinabang ang mga binibili nitong mga produkto. Masusing tinitingnan ang kalidad at presyo ng bawat produkto dahil sa limitado ang badyet sa pamimili at kung nagkataong may konting sobrang pera, tiyak iyon ay pinaghirapan kaya dapat lang maayos ang produktong bibilhin.
- DAPAT MAYROONG ALTERNATIBO
Ang kakulangan ng suplay ng produkto ay nararanasan sa pamilihan, kaya minsan, ang dating binibiling produkto ay hindi na mabibili. Minsan, ang kita ng tao ay di-sapat para bilhin ang isang produkto. Sa ganitong sitwasyon, ang konsyumer ay kailangang marunong humanap ng alternatibong produkto na makatutugon din sa pangangailangan. Halimbawa, kung ang dating binibili na isda ay kulang ang suplay sa pamilihan, dapat handa kang humanap ng kapalit.
6. HUWAG SIRAIN ANG BUDGET
Alamin kung nasaan ang mga tindahan na may midnight sale, buy-one-take one promo, at mga give away na produkto dahil ang ganitong sitwasyon ay makatutulong sa iyong budget. Ngunit, mag-ingat rin at suriin ang mga produkto. Hindi porke’t buy-one-take one o naka-promo ang isang bilihin, kakagat ka na agad. Maging mapanuri pa rin. Busisiin at suriin mabuti ang bibilhin. At, hangga’t maari ay iwasan ang mangutang para pantustos sa pamimili.
- HUWAG MAG-PANIC BUYING
Ang may malawak na kaalaman sa pamimili ay hindi nababagabag sa artipisyal na kakulangan ng mga produkto sa pamilihan. Isiping mabuti na ang ganitong kalagayan ay pansamantala lamang at lilipas rin, kaya walang dahilan para mag-panic buying o mag-stock ng mga bagay sa ganitong panahon.