
Nappuccino, bagong trend ng pag-idlip matapos uminom ng kape. (Larawan mula sa Kha Ruxury/Pexels)
Ni: Jonnalyn Cortez
MARAHIL ay narinig mo na ang salitang nappucino or coffee nap. Nakita mo na rin siguro ang mga salitang ito sa social media, at kung paanong sinasabing nakakatulong ang pag-inom ng kape sa pagiging alerto matapos umidlip.
Alam ng marami na ang pag-inom ng kape ay nagreresulta sa pagiging gising ng mahabang oras. Ngunit, alam mo ba na ang bagong trend na nappuccino ay nakakatulong upang gawin kang mas alerto at gising pagkatapos mong matulog saglit?
Ang nappuccino ay ang pag-inom ng kape 20 minuto bago umidlip, kung kailan nagsisimulang magkaepekto ang caffeine sa iyong katawan, ayon sa mga mananaliksik.
Pagkatapos ng 20 minutong pagidlip, mararamdaman mong mas alerto at gising ang iyong diwa kung ihahambing sa pag-inom lamang ng kape o pagtulog lang sandali.
Ang susi sa tamang pagsunod sa nappuccino ay ang panatilihing maikli lamang ang iyong tulog at ang timing matapos uminom ng kape.
Sinasabing hindi na bago ang naturang pag-aaral, ngunit sa pagbabago ng oras na mas nararamdaman mong inaantok ka at kailangang mag-adjust ng katawan, muling gumagawa ng ingay ang nappuccino.
Paano nga ba gawin ang nappuccino?
Una, uminom ng isang basong kape na mayroong 100 mg ng caffeine. Huwag na huwag sasabayan ito ng energy drink dahil maaaring makaapekto sa proseso ng pagtulog ang sangkap na asukal.
Pangalawa, humiga sa tahimik na lugar. Kung kinakailangan, gumamit ng maskara sa mata at pantakip sa tenga. I-off din ang cellphone o ilagay sa silent para walang istorbo. Kung nasa trabaho naman at may dalang sasakyan, maaaring doon muna magpahinga kung walang ibang pwedeng matulugan.
Pangatlo, mag-set ng alarm sa 20 minuto, ngunit kung magising ka sa loob ng 10 minuto, ayos lamang ito at huwag ng matulog muli upang hindi tamarin at maramdamang inaantok pa. Mararamdaman mong mas gising na ang iyong katawan at mas alerto pa.
Sinasabing ang nappuccino ay mas marami pang pwedeng idulot sa katawan kung makakasanayan, basta’t wag ka lamang lalagpas sa 20 minuto.