DUMAMI pa ang sumusuporta sa pagpapabalik ng parusang kamatayan sa Senado. Sinasabi ni Senate President Sotto na mas malaki na ang posibilidad na ibalik ang parusang kamatayan sa Ika-18 Kongreso.
Sa resulta ng 2019 halalan, isang hanay ng mga bagong Senador ang sumusuporta sa parusang kamatayan. Maaaring isa lamang sa mga bago ang tututol sa panukalang parusang kamatayan.
Sa pamamagitan ng kanilang sariwang mandatong nakatuntong sa popularidad ng Pangulo, at suportado ng isang publikong may pagkiling para sa naturang uri ng parusa, mas maitutulak sa bagong Konggreso ang adyenda ng parusang kamatayan.
Tandaang ayon sa “Ulat ng Bayan Survey” ng Pulse Asia (isinagawa ang survey mula Marso 15 hanggang 20, 2017) may pagsuporta ang publiko para sa muling pagpapataw ng parusang kamatayan para sa mga piling krimen.
Bumaba man ito ng 14 na porsyentong puntos — mula 81 porsyento noong Hulyo 2016, naging 67 porsyento na lamang noong Marso 2017 — malinaw na mayroon pa ring pampublikong interes na magtulak ng ganitong agenda.
Kung prayoridad ng bagong Kongreso ang adyendang ito, maaari nating makitang muli at nang mas malinaw ang mga linyang lumabas nitong nakaraang halalan sa pagitan ng Administrasyong Duterte sa isang panig at ng Simbahang Katoliko at iba pang mga nagtataguyod ng mga karapatang pantao sa kabila. Banggaan na naman ng mga pananaw para sa kung ano ang tamang patakaran.
Ito ay magiging isang mas mahirap na labanan para sa mga nagtataguyod ng karapatang pantao sa kabila ng potensyal na pagsuportang makukuha nila mula sa internasyonal na komunidad.