GREATER CONNECTIVITY FOR GROWTH. Isinusulong ni President Rodrigo Roa Duterte ang “greater infrastructure connectivity” upang mapanatiling mataas ang growth trajectory ng bansa sa kanyang intervention sa 2nd Belt and Road Forum for International Cooperation sa China National Convention Center, Beijing.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
MATAGUMPAY na naisagawa kamakailan ang Second Belt and Road Forum for International Cooperation sa Beijing, na dinaluhan ng nasa 5000 na mga leader mula sa 150 na mga bansa.
Inilunsad ng China ang Belt and Road Initiative (BRI) noong 2013, na isang ambisyoso at malawakang development strategy na kinabibilangan ng infrastructure development at investments sa 152 na mga bansa at international organizations sa Asia, Middle East, Europe, Latin America at Africa.
Noong 2015, inilabas ng Chinese government ang “Vision and Action on Jointly Building Silk Road Economic Belt and 21st-Century Maritime Silk Road.” Ito ay isang dokumentong naglalahad ng mga plano kung paano maisasakatuparan ng China ang ambisyoso nitong proyekto sa pamamagitan ng paglalagay ng investments, syndicated loans, at bank credits sa mga bansang kabilang sa dadaanan ng BRI.
Kung tuluyang maisasakatuparan ng BRI global infrastructure plan, inaasahang babaguhin nito ang economic landscape ng buong mundo na nagdudulot ng malaking advantage para sa China.
Unang nagkaroon ng BRI forum noong 2017. Nguni’t nitong mga nakalipas na panahon, nabahiran ng mga kontrobersya ang proyekto. Kaya naman sumentro ang pagpupulong ngayong taon sa paglinis ng reputasyon ng initiative at pagbalangkas ng mga hakbang tungo sa reporma upang matanggal ang anumang bahid ng kurapsyon sa Belt and Road initiative.
Nang bumisita si Chinese President Xi Jinping sa bansa noong 2018, personal niyang inimbitahan si Pangulong Rodrigo Duterte na daluhan ang Second Belt and Road Forum. Hindi naman binigo ni Duterte si Xi Jinping at tumulak ang Chief Executive ng Pinas sa Beijing kasama ang kaniyang partner na si Cielito “Honeylet”Avanceña, anak na si Veronica at ang mga opisyal ng kanyang gabinete nitong huling linggo ng Abril.
Ang pagtungo ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Ji Xian Hall of the Yanqi Lake International Convention Center para sa Leaders’ Roundtable Discussion.
Ang pagdalo ng Pangulo sa nasabing okasyon ay pagpapalakas umano ng ugnayan ng China at Pilipinas sa mga bansa at magbubukas ng ecomonic opportunities.
Ipinahayag ni Duterte sa isang bilateral meeting kasama si Chinese Premier Le Kequiang na nakahanda ang Pilipinas na nagsagawa ng marami pang proyekto sa ilalim ng BRI.
“The Philippines’ continued participation in this forum is an acknowledgment of the vision of a global connectivity for shared prosperity,” wika ni Duterte sa kanyang opening remarks sa pagpupulong.
“For the signing of the MOU (memorandum of understanding) on cooperation under the Belt and Road Initiative, the Philippines is ready to pursue more projects with China,” aniya pa.
KAPAKANAN NG FOREIGN WORKERS DAPAT ISULONG
Nais ni Pangulong Duterte na i-angat pa ang relasyon ng Pilipinas at China dahil batid niya na malaki ang ambag ng Chinese investments sa paglikha ng mga trabaho para sa mga Pilipino.
Gayon din naman, isinulong din ni Duterte ang proteksyon at karapatan ng mga Filipino migrant workers sa China, at binigyang diin ang kanilang malaking kontribusyon sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa kung saan sila nagtatrabaho.
At dahil dito, ipinabatid ng Pangulo, di lamang mga konkretong tulay at kalsada ang dapat maitayo para magkaroon ng magandang ugnayan ang mga bansa.
“In pursuing connectivity, we should not merely build roads and bridges but we should also create human connections. It is through these connections that we facilitate grand exchanges of skills, ideas, and experience. It is also through linkages that we forge and build trust and understanding,” wika ng Pangulo sa kanyang talumpati sa China National Convention Center.
Sinabi pa ni Duterte, ang mga migrant workers ang nagsisilbing tulay ng mga bansa. Kaya naman dapat kailangang pagtulungan ng mga gobyerno na pangalagaan ang mga naturang manggagawa.
“The Philippines is one with every responsible member of the international community in building a future that would be the envy of history – one that promotes global cooperation yet upholds and respects national sovereignty; where national honor is married with the interest of humanity; and where the great challenges that transcend national borders are collectively addressed,” wika ng Pangulo.
Kamakailan sinabi rin ni Duterte na hayaang magtrabaho sa Pilipinas ang mga Chinese workers. Ito’y sa gitna ng pagdagsa ng mga ito na ikinababahala ng marami dahil naaagawan umano ng job opportunities ang mga Pinoy sa sariling bansa.
“Iyong mga Chinese dito, hayaan mo ‘yan na dito magtrabaho. Hayaan mo. Bakit? We have 300,000 Filipinos in China. Kaya hindi ako makasabi, o umalis kayo dito, deport ka doon. Eh kung bigla paalisin ‘yun doon 300,000 of them?” sabi ni Duterte sa isang PDP Laban campaign.
PILIPINAS, CONDUCIVE FOR BUSINESS
Sinamantala rin ni Pangulong Duterte na hikayatin ang mga foreign businessmen na dumalo sa forum na mamuhunan sa bansa, kaakibat ang pangakong paglikha ng isang kaaya-ayang business environment para sa pagnenegosyo, dulot ng Republic Act No. 11032, o “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.”
Sinaksihan ni Duterte ang paglagda sa 19 Philippines-China business agreements at binigyang diin na hindi kinukunsinte ng kanyang administrasyon ang katiwalian.
“I guarantee you that there will be no hassles, no asking for money, no nothing. And if you think that the permit or the concession privilege about to be given is unduly delayed, please let me know,” wika ng Pangulo sa isang hiwalay na pagpupulong na ginanap sa Grand Hyatt Beijing.
“The Philippine government guarantees, through good governance, an enabling environment that allows business and investments to prosper,” aniya.
Bukod dito, binigyang diin din ng Chief Executive na, sa kabila ng progresong pang-ekonomiya, kailangan din tiyakin na hindi naba-balewala ang pangangalaga sa kalikasan.
“The Philippines seeks to improve our collective capacity to manage and protect marine resources. Our oceans and seas connect and sustain us. It is thus our collective duty to promote their sustainable and peaceful use in accordance with international law,” wika ng Pangulo.
“My government will do all that is necessary to realize this vision. We will build strong partnerships with like-minded states, multilateral institutions, and other stakeholders that share our vision.”
USAPIN SA WEST PH SEA TINALAKAY
Sa pagpupulong ng mga opisyal ng China at Pilipinas sa Great Hall of the People sa Beijing, tinalakay ang usapin sa West Philippine Sea, kung saan binanggit ng Pangulo ang panalo ng Pilipinas sa International Court, na nagbasura sa Nine Dash Line claim ng China sa pinagtatalunang teritoryo. Subalit hindi ito kinikilala ng China sabi ni Xi.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo na ipinahayag ni Duterte kay Xi ang kanyang pagnanais na resolbahin ang isyu sa mapayapang paraan. At umaasa ang gobyerno na mananatiling bukas ang China na resolbahin ang naturang gusot at nawa’y tugunan nito ang inihaing diplomatic protest laban sa pananatili ng mga barko ng China malapit sa Pag-asa Island at iba pang teritoryong sakop ng Pilipinas.
“What is important to me is open sila na i-resolve ang dispute doon sa negotiation table. Considering that there has been a bilateral meeting between the two heads of state, and they agreed that they can solve whatever irritants or challenges that confront both sides, then I’m confident that there will be response and there will be a basis for a dialogue or negotiation between the two countries,” wika ni Panelo.
Bago tumulak sa Beijing, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya tutulutang masakop ng China ang Pag-asa Island, na isa sa siyam na pinagtatalunang mga isla sa Spratly Islands.