NANG unang iminungkahi ang K-to-12 program, mabilis at malakas ang pagtutol mula sa mga mag-aaral at kanilang mga magulang na ito ay magiging pabigat lamang dahil madadagdagan ang bilang ng taon bago makapagtapos at, kung gayon, bago magkaroon ng mas magandang pagkakataong makapagtrabaho.
Tumutol din ang mga guro. May mga guro na hindi sumang-ayon sa pagbabago sa laman ng kurikulum na iminungkahi para sa K-to-12. Sa partikular, naging malakas ang hindi pagsang-ayon sa pag-aalis sa kasaysayan at wikang Filipino sa mga partikular na antas ng paaralan at pamantasan. Mas lumakas pa ang pagtutol nang mapuna ng mga guro na may panahong transisyon kung kailan mawawala pansamantala ang 1st year at 2nd year college levels kaya mawawalan ng ikabubuhay ang maraming lektyurer sa mga pamantasan.
Kamakailan, nagpahayag ang pamunuan ng CHED na kailangang repasuhin ang programang K-to-12. Mabilis ang pagsang-ayon ng mga sektor na tumutol dito at sinisi ang CHED at DEPED sa pagpupumilit na ipatupad ang K-to-12 curriculum.
Paglilinaw ni CHED Chairperson Dr. Prospero De Vera, wala sa buong programa ang problema subalit doon lamang sa “transisyon.”
Dapat linawin ng CHED at DEPED kung ano nga ba ito. Maaring hindi lamang iyan ang kailangang ayusin. Halimbawa na lamang, may mga ulat ng grade inflation dahil sa pormula ng pag-compute sa grades mula sa DEPED.
Ikalawa, may mga feedback na maraming senior high ang mahina ang mga OJT o Job Internship program. Ikatlo, nang minumungkahi pa lamang ang K-to-12, may pagtatantiya ang iba na iiksi na ang bilang ng taon ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Malinaw na hindi ganito ang nangyari at talagang simpleng humaba lamang ang bilang ng taon ng pag-aaral.
Kung ano’t anupaman, napapanahong pag-aralan ang naging kinalabasan ng unang mga taon ng pagpapatupad ng K-to-12 na ito. Patalasin natin ang programa o ang ulo ng ating mga kabataan ang pupurol.