MAY iba’t ibang pag-unawa sa usapin ng wikang Filipino at kung bakit ito kailangan (o hindi kailangan) ituro sa mga pamantasan.
Ang pamantasan o mga kolehiyo ay mga institusyong pang-edukasyon na lumilikha ng bagong kaalaman. Isa sa mga pangunahing tungkulin nito ang magsalin o magpalaganap ng kaalaman.
Kung nais nating mas maisalin at mapalaganap ang mga bagong kaalaman lalo na sa ating mga kababayan, bakit tila mas pinahahalagahan ang paggamit ng wikang banyaga?
Sa halip na mapayaman pa ang Filipino sa pamamagitan ng pagpapatalas nito sa paggamit sa mataas na antas ng pag-aaral, bakit natin iniiwan na lamang sa high school at elementarya ang pagtuturo nito?
Kung ang tunay na edukasyon ay isang malayang dayalogo gaya ng tinuran ng educator na si Paolo Freire, may edukasyon bang maayos na nagaganap kung hindi tayo nagkakaunawaan dahil sa ating sagad-sagarang paggamit sa wikang banyaga?
Dapat linawing may higit isandaang wika, hindi lamang mga dayalekto, sa Pilipinas. Halimbawa, ang kakatwang Tagalog na ginagamit sa Maynila ay may kaibahan sa Tagalog ng Batangas o Marinduque. Ganyan ang dayalekto — ang Tagalog ay wika, ang Tagalog-Batanguenyo ay dayalekto. Ang Ilocano, Kapampangan, Bicolano, at Hiligaynon, ay mga wika at hindi dayalekto lamang.
Makakatulong sa pagpapayaman ng ating pambansang wika at mga lokal na wika kung bibigyan natin ang mga ito ng lugar sa kolehiyo.
Ang kinikilala nating wikang Filipino (na sinasabi ng iba ay Tagalog lang naman) ay uunlad lamang bilang isang matalas na pambansang wika kung ito, kasama ng iba pang lokal na wika, ay higit pang gagamitin at patatalasin sa mga pamantasan.
Kung hindi sadyang gagawing requirement ang pag-aaral ng mga ito, lalo lamang hindi malalaman ng karamihan ang ganitong mga bagay hinggil sa ating kultura at lalo lamang mangunguluntoy ang ating mga dayalekto’t wika gaya marahil ng ating tila nagiging mabuway na identidad sa panahon ng globalisasyon.