Natuklasang posible ng maging mukhang bata sa matagal na panahon dahil sa isang uri ng protein. (Larawan mula sa Dr. Sara Detox)
Ni: Jonnalyn Cortez
PANGARAP ng karamihan ang mapanatili ang mukha at kutis na parang sa bata. Kaya naman, nagsulputan ang maraming produktong pampaganda na nangakong pagmumukhain kang laging fresh at walang stress.
Ngunit sa isang pag-aaral, natuklasan ng mga mananaliksik ang sikreto upang maging “forever young” at pananatilihin ang iyong youthful glow.
Sa isang research na inilathala sa journal na Nature, natuklasan ang isang uri ng protein na hinihimok ang “cell competition.”
Gamit ang buntot ng daga, na may kaparehong katangian sa balat ng tao, napag-alaman na ang COL17A1 ay nakakatulong na panatilihing buo at walang damage ang balat. Hinihinikayat nito ang cell competition, na siyang pangunahing proseso upang i-maintain ang fitness ng tissues sa katawan, na siya namang nag-aalis ng “weaker cells” at nagsi-stimulate ng paggawa ng mas malalakas na cells.
“Damaged or stressed stem cells can be selectively eliminated by intact stem cells every day in our skin,” wika ni Emi Nishimura, isang propesor sa departamento ng Stem Cell Biology ng Tokyo Medical and Dental University, na siya ring nanguna sa pag-aaral.
Ngunit, kasabay ng pagtanda, kabilang na ang mga sanhi ng pagkasira ng balat mula sa UV radiation at stress, ang pagkaubos ng COL17A1. Kapag nangyari ito, ang mas mahinang cells ang nag re-reproduce at iniiwang mas manipis, madaling ma-damage at mas matagal gumaling ang balat.
Bunsod nito, nais malaman ng mga mananaliksik kung maaaring i-stimulate ang naturang protein sa oras na maubos upang masimulan ang anti-aging process sa balat.
Nagpakita ng positibong resulta ang dalawang magkaibang chemical compounds na Y27632 at apocynin matapos na parehong dumaan sa pagsusulit nang gamitin sa balat.
“Application of these drugs to full-thickness skin wounds significantly promoted wound repair. The two compounds point to ways of facilitating skin regeneration and reducing skin ageing,” ayon sa pag-aaral.
Sina Professor Ganna Bilousova at James DeGregori ng University of Colorado ay nagsabing ang ginawang pag-aaral sa dalawang chemical compounds ay nagbigay ng “proof-of-principals” na maaaring labanan ang pagtanda.
Dagdag ni Nishimura, ang kanilang natuklasan ay maaaring magresulta sa paggawa ng mga produktong makakatulong upang maiwasan ang pagkasira ng balat at i-promote ang madaliang paggaling.
“We are going to collaborate with pharmaceutical or cosmetic companies for the clinical use of the chemicals” wika niya.
Sa takbo ng pag-aaral, mukhang mas madaling makakamtan ng marami ang youthful skin at ang pangarap na maging forever young.