TINUPAD ni Pangulong Duterte ang kanyang pangako noong siya ay nangangampanya pa lamang na solusyunan ang talamak na problema sa droga.
NI: Eyesha N. Endar
HINDI lingid sa kaalaman ng buong mundo na matalik na magkaibigan sina Pastor Apollo C. Quiboloy, executive Pastor ng The Kingdom of Jesus Christ The Name Above Every Name at ang dating alkalde ng Davao at ngayon ay Pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Roa Duterte.
Pagkatapos ng tatlong taong pagkapanalo bilang pangulo ng bansa ay muli niyang dinalaw ang kaibigan at piniling mag-guest sa programa nitong Give Us This Day sa Sonshine Media Network International (SMNI).
Sinabi ng pangulo na hindi na umano siya nagpapa-interview dahil nawalan na siya ng tiwala sa Philippine media.
“Hindi na ako nagpapa-interview ha. Choosy ako, choosy. I have lost completely trust diyan sa Philippine media,” pahayag ng Pangulo.
PANGULONG Rodrigo Roa Duterte sa kanyang live guesting sa programa ni Pastor Apollo C. Quiboloy na Give Us This Day sa KJC Compound Davao City.
Pero sa programa ni Pastor Apollo na Give Us This Day, hindi nilimitahan ng pangulo ang kanyang sarili at ipinaliwanag ang kanyang mga ginawa sa nakalipas na tatlong taon na kanyang panunungkulan bilang punong ehekutibo ng bansa.
Hindi naging ‘narco state’ ang Pinas
Marami ang nagsasabi na kung hindi naging pangulo ng bansa si Duterte, hindi malalaman ng mga Pilipino na matagal na palang talamak sa droga ang bansa.
Ikinuwento nito noong siya ay isang alkalde pa lamang at nabigyan ng pagkakataong makapunta sa Malakanyang upang makasama sa meeting ni dating DILG secretary Rafael Alunan III sa panahon ni dating pangulong Fidel V. Ramos. Sinabi umano ni Alunan na pinatawag siya ng Drug Enforcement Agency (DEA) ng bansang Amerika at sinabi nito sa kanya na kung hindi mapipigilan ang paglaganap ng droga sa bansa magiging “narco state” ang Pilipinas.
Dismayado ang pangulo dahil simula umano noong sinabi iyon ni Alunan, dalawang eleksyon na sa pagka-pangulo ang dumaan pero hindi naresolba ang problema sa droga, bagkus lumala pa ito.
“I was horrified actually. When I ordered General Bato, the senator-elect now, to open the records for me and to tell me the truth what is really the state of things, especially drugs vis-à-vis with the law order of the country. And you saw the thousands and the millions who surrendered,” aniya pa.
Nagtatago umano ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang mga uniporme at posisyon para maipagpatuloy ang iligal na gawain.
Nagsusumamo ang gobyerno sa mga may kaugnayan sa pagpapalaganap ng iligal na droga na sumuko na ang mga ito dahil wala siyang papayagang sinuman na sirain ang bansang Pilipinas.
Magkagayunpaman, binigyang diin ni Duterte na kahit kailan umano ay hindi siya nag-utos na magpapatay ng tao.
“For the record, I never ordered the killing of a particular person, what I said to them destroy the apparatus of the drug organization,” paglilinaw ni Duterte.
Na-kontrol ang korapsyon
Sinabi rin ni Pangulong Duterte, na habang nakaupo siya sa Malakanyang, hindi niya hahayaang mamayani ang korapsyon sa gobyerno.
Kaya umano niya pina-iimbestigahan ang mga ahensya ng gobyerno na nasangkot sa katiwalian tulad ng PhilHealth upang managot ang gumawa ng kriminalidad.
Binigyang-diin ng Pangulo na kailangan niyang kumilos para mapabilis ang proseso dahil hindi niya kayang maghintay ng matagal ang pagresolba ng problema ng korapsyon.
Hindi niya hahayaan ang sinuman na hahadlang sa kanyang kampanya laban sa korapsyon.
Kung kamay na bakal umano ang kailangan para mawala ang korapsyon at droga sa sistema ng gobyerno, ibibigay niya ito.
“Maganda ang ating bansa, hindi ko hahayaang masira ito,” aniya pa.
Presidency, regalo mula sa Diyos
Naniniwala naman ang Pangulo na isang regalo mula sa Diyos ang maging Pangulo ng isang bansa.
“Believe me, now that I have experienced it, the presidency is a gift from God. And my advice to the coming presidents, if they get into office, in the meantime, do not covet anything and it will come to you,” pahayag niya.
Nagbaliktanaw pa si Duterte sa panaginip ni Pastor Apollo sa kanya mahigit 23 taon na ang nakalipas.
“Ikaw mismo Pastor, how many times did we almost quarrel, debating whether I should run or not? And we were weighing my options of no money, no party. And you were insistent because as a man of God, that story you told us, told me even after that incident many years ago would just crawl into the topic,” pahayag ni Duterte.
Nanaginip si Pastor Apollo na darating ang araw na maging pangulo ng bansa si pangulong Duterte.
“So if it is a gift from God, this is simply what… I would reduce it to a very simple equation. For the human rights and for the bleeding hearts, I have a nation to protect and to preserve and I have millions to provide security. And I promised that to the people,” aniya pa.
Matatandaang kahit simula pa ng panunungkulan ni pangulong Duterte, bilang alkalde ng Davao, ipinangako na niyang handa siyang pumatay at magpakamatay para sa bansa.
Hard working
Pinatunayan ng pangulo kung gaano siya kasipag, na kahit ma-bardown siya basta’t di natapos ang kanyang trabaho sa buong araw, di siya natutulog.
Nais niyang ipakita sa kanyang panunungkulan ang kanyang kasipagan upang matuto ring mag-trabaho at maging masipag ang sinumang nagnanais na maglingkod sa gobyerno.
Layunin niyang mapabuti at mapaayos ang bansa. Isa ito sa mga dahilan kung bakit sa kabila ng kaliwa’t kanang kontrobersiyang kinasasangkutan niya ay buo pa rin ang suportang ibinigay ni Pastor Apollo sa kanya.
Bilang matalik na magkaibigan sa loob ng mahabang panahon, alam ni Pastor Apollo na matapang si pangulong Duterte para labanan ang mga taong nais sumira sa kagandahan ng bansa. At sa likod ng kanyang katapangan naroon ang tunay na pag-ibig at pagmamalasakit sa mga Pilipino.