SA DAMI ng iba’t ibang mainit na usaping natatampok sa ngayon, hindi gaanong napapansin ang nauulat na pagbaba ng antas ng kahirapan sa bansa. Naibalita ito ng Philippine News Agency noong Marso at maging ng World Bank (WB) noong Abril.
Ang pinakahuling datos mula sa Philippine Statistics Authority ay nagpakita ng 21 porsiyento, o isa sa bawat limang Pilipino, ay matuturing na mahirap (unang semestre ng 2018). Kapansin-pansin ang pagbabagong ito kumpara sa 27.6 porsyento na antas ng kahirapan noong unang anim na buwan ng 2015.
Dahil sa naantala ang pagpasa ng 2019 pambansang badyet at may El Niñong nagpahina sa ating mga sakahan, sinasabi ng WB na bahagyang humina ang ekonomiya ng bansa kaya bumaba ang forecast nila sa paglago ng bansa—naging 6.4 porsyento mula 6.5. Nasa 6.2 porsiyento ang paglago ng ekonomiya noong 2018.
Ayon sa mga pag-aaral ng mga ekonomista, may magandang epekto sa pagbaba ng antas ng kahirapan ng isang bansa ang isang paglagong pang-ekonomiya na mas mataas pa sa 6.0 porsiyento. Kung tuloy-tuloy ang ganitong paglago, mas marami ang aahon sa kahirapan.
Lalo pang dadami ang mga makaaahon kung mahusay ang mga anti-poverty projects ng pamahalaan at may pagpapatalas sa pagtarget nito kung sinu-sino ang kailangang bigyan ng ayudang pangkabuhayan.
Ang bahagi ng 10-puntong adyenda ng administrasyon ng Duterte ay upang mabawasan ang bilang ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino. Layon ng gobyerno na maibaba sa 14 porsiyento na lamang ang antas ng kahirapan pagdating ng taong 2022.
Dito tayo pinakatumutok sa pagbabantay sa napakaraming usapin. Wika nga ng iba: “It’s the economy, stupid.” Ang lagay ng ekonomiya ng bansa ang pinakamahalagang usapin para sa buhay ng karamihan.
Kailangang linawin at patalasin pa ng pamahalaan ang kanyang mga programa hinggil sa usapin ng kahirapan. Kailangan ng tulong ng media, mga simbahan, at mga NGOs upang maging malinaw sa mas marami kung paano tayo magiging bahagi ng pagtugon sa usapin ng kahirapan. Higit sa lahat, dito tayo maaari at dapat magkaisa.