NANG maganap ang tinatawag ng iba na “EDSA 3” noong panahon ng dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo, nabahala ang mga aristokrata at lider-oligarko ng ating bayan. Natakot pa ang ilan sa kanila nang laksa-laksang maralitang taga-lunsod ang naglakas-loob na sumugod sa Malakanyang at hinarap ang mga water cannon at pamalo ng mga nagbabantay na pwersa ng pamahalaan upang iprotesta ang sa tingin nila’y katiwalian ng administrasyong Arroyo at pagkakaaresto nito sa napatalsik nitong si pangulong Joseph Estrada.
Sa pananaw ng isang malapit kong kaibigan na saksi at noon ay nasa loob ng pamahalaang Arroyo, ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ay isang pambansang programang produkto ng isang aristokrasiyang napaka corrupt at nanginig sa imahen ng maraming maralitang umaatake sa Malakanyang.
Pagkatapos ng EDSA 3, sadyang tinukoy ng pamahalaan ang pinakamahihirap na lugar sa bansa. Nagsagawa ng pag-aaral at nagpokus ito sa mga pinakamahihirap na pamilya sa mga naturang probinsiya. Dinisenyo ang 4Ps sa tangkang mabawasan ang insidente ng kahirapan sa mga lugar na iyon sa pamamagitan ng conditional cash transfer sa mga mahihirap na kabahayan hanggang sa ika-pitong taon “upang mapabuti ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon” ng mga kabilang sa mga naghihikahos na pamilya.
Ipinagpatuloy ni pangulong Benigno Aquino III ang 4Ps bilang programa laban sa labis na kahirapan. Ngayon, sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte, isinabatas na ang 4Ps. Ibig sabihin, ipatutupad na ito taun-taon sa ilalim ng lahat ng mga administrasyon, kahit sino pa ang maupo, maliban na lamang kung ito ay ipawawalang-bisa.
Ang Department of Social Welfare and Development pa rin ang mangungunang ahensya sa pagpapatupad ng 4Ps. Sa conditional cash transfer scheme ng DSWD tatanggap ang pamilyang benepisyaryo ng salapi upang mas maasikaso ang edukasyon at kalusugan ng kanilang mga anak. May mga kondisyong dapat sundin ang pamilya upang matiyak na hindi napupunta sa wala ang suportang pondo.
Nawa’y magabayan ngang mabuti ng DSWD ang ating mga kababayang nangangailangan upang ang kanilang mga anak ay makaahon sa hirap at kamangmangan para sa kabutihan na rin ng kanilang buong pamilya at ng ating buong bayan.