Himalayan salt
Ni: Jonnalyn Cortez
Kilala ang Himalayan salt bilang pampalasa sa pagkain. Ngunit, alam mo ba na maaari rin itong gamitin bilang parte ng beauty routine?
Mayroong mahigit na 84 minerals na taglay ang Himalayan salt. Kaya’t hindi lamang ito mabuti sa kalusugan, kundi pati na rin sa balat.
Sa katunayan, may ilan ng beauty brands na hinahalo ang naturang asin sa kanilang mga produkto.
Ngunit para makatipid, hindi na kailangang bumili pa ng mga mamahaling podukto dahil maaari namang gumawa nito, mga do-it-yourself recipes gamit ang Himalayan salt sa iyong bahay.
Face mask
Paghaluin lamang ang dalawang kutsara ng pinung-pinong dinurog na Himalayan salt sa apat na kutsarita ng raw honey upang makabuo ng paste. Ipahid sa malinis na mukha ang nagawang mixture at hayaang magtagal ng 10 hanggang 15 minuto bago banlawan.
Nakakatulong ang Himalayan salt face mask na i-relax ang iyong hyperactive na balat sa mukha at tanggalin ang excess oil habang pinapanatili ang moisture.
Toning mist
Kung madalas tubuan ng taghiyawat, makakatulong ang Himalayan salt na gamutin ito. Tunawin lamang ang isang kutsarita ng asin sa apat na onsa ng tubig sa isang spray bottle. Huwag punuin ang bote, mag-iwan ng isang daliri na empty space para hayaang matunaw ang mixture pag shake ng bote. Dapat tunaw na tunaw ang Himalayan salt para magamit ito nang maayos. I-spray sa mukha ang iyong bago, epektibo at affordable na toning mist.
Kayang linisin ng tinunaw na Himalayan salt ang maruruming pores na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng taghiyawat.
Body scrub
Para sa mas makinis at makinang na balat sa buong katawan, paghaluin ang ½ cup ng Himalayan salt, ¼ cup ng aloe vera gel, ¼ cup coconut oil at 10 drops ng lavender essential oil hanggang makabuo ng paste na gagamiting body scrub.
Imasahe sa balat ang paste saka banlawan ng tubig na maligamgam. Ang magkahalong aloe vera ay magbibigay ng moisture sa balat, habang ang lavender oil naman ay para ayusin ang sirkulasyon ng dugo.
Gamot sa anit
Maaaring gawing gamot sa anit ang Himalayan salt. Ikalat lamang ang dalawang kutsarita ng asin sa iyong anit, marahang imasahe gamit ang basang mga daliri sa loob ng 10 hanggang 15 minuto, banlawan at ikondisyon ang buhok katulad ng iyong normal na ginagawa.
Magreresulta ang mga pinaghalong sangkap ng pagkatanggal ng dead skin cells sa scalp, excess oil, i-improve ang circulation at makaiwas sa balakubak.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa maraming gamit ng Himalayan salt. Mula ulo hanggang paa, siguradong kayang solusyunan nito ang mga problema sa balat.