June 25 – ang pagbubukas sa unang pagkakataon ng Marina para sa mga marino na kukuha ng SID.
MAAARI nang makakuha ng online appointment ang mga marino na nais mag-avail ng Seafarer Identity Document o SID simula June 17, 2019.
Ayon kay Atty. Rowena Hubilla, director ng Manpower Development Service ng Marina, mabilis lamang at simple ang pagkuha nito basta makumpleto lamang ang requirement na hinihiling sa nasabing dokumento.
Isa sa mga requirement sa mga seafarer na kukuha ng SID ay ang seaman’s book kung saan nagpapatunay lamang na isa itong tunay na marino.
Ang Seafarer Identity Document o SID ay isang mandato ng Marina para sa mga Filipino seaman na hindi na kakailanganin pang kumuha ng visa kung saang bansa tutungo ang kanilang barko na pagtatrabahuhan.
Ngayong darating na June 25 ay pormal namang pasisinayaan ng Marina ang pagbubukas sa unang pagkakataon para sa mga marino na kukuha ng SID.
Sa naturang kaganapan ay ipapakilala nila para sa mga Filipino seaman ang kahalagahan at kaginhawaan ng paggamit ng SID at nakahanda na rin sa kanilang programa ang audio visual presentation para maipakita ang tamang pagkuha ng nasabing dokumento.
Para sa karagdagang impormasyon kaugnay sa SID ay maaari lamang magtungo sa kanilang website sa marina.gov.ph.