Tinawag na historic ni Senator Joel Villanueva, principal author ng End Endo Bill, ang pagpasa ng panukala sa Senado. “This has been 20 years in the making. Thank you so much dear colleagues for all your support. To God be the glory!” aniya sa social media.
Ni: Quincy Joel V. Cahilig
ISA sa pinaka mahalagang pangako na binitawan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa simula pa ng kanyang termino noong 2016 ang pagwawakas sa kalakaran ng illegal contractualization sa bansa.
Ang sabi ng Pangulo, layon nito na iangat ang kalagayan ng mga manggagawang Pinoy at ang pagbabasura ng illegal contractualization o “endo” ang unang hakbang para maisakatuparan ito.
Maraming manggagawa ang umaasa na tuluyan ngang tutuldukan ng Pangulo ang endo (end of contract), na sinisisi kung bakit maraming Pinoy workers ang hirap makaahon sa kahirapan. Dahil sa kalakarang ito walang security of tenure at oportunidad ang marami na magkaroon ng permanenteng trabaho. Ito ang nagtutulak sa ibang manggagawa na magtrabaho na lamang sa ibang bansa kahit na mapalayo sa kanilang pamilya.
Sa ilalim ng endo scheme kumukuha ang kumpanya ng mga empleyado na may fixed-term, kung saan ang kanilang kontrata ay di pinapaabot ng mahigit anim na buwan upang maiwasan na ma-regularize ang mga ito. Itinatakda ng Labor Code na kung ang isang empleyado ay mahigit anim na buwan nang naninilbihan sa kumpanya, dapat na itong ma-regularize at makamit ang mga mandated benefits gaya ng SSS, Pag-Ibig, Philhealth, at leave benefits.
Bilang pagtupad sa kanyang pangako, noong nakaraang taon, ibinaba ni Duterte ang Executive Order 51 na nagbabawal sa endo. Sa pamamagitan nito, pinatawan ng karampatang aksyon ang mga kumpanyang na tumatanggap pa rin ng manggagawa sa ilalim ng endo scheme. Sa aksyong ito ng pamahalaan, mahigit 400,000 na mga manggagawa ang naging regular employees.
Nguni’t aminado ang Pangulo na hindi sapat ang EO upang tuluyang malutas ang isyu. Kaya nanawagan siya sa Kongreso na magpasa ng anti-endo na batas, at ito ay “certified as urgent” ng chief executive.
“This is why my administration has implemented measures within its powers to afford full protection to labor and promote equal work opportunities for all,” wika ni Duterte.
KONGRESO TODO SUPORTA
Bago magtapos ang 17th Congress, ipinasa ng Senado ang Senate Bill No.1826 o ang Security of Tenure and End of Endo Act, na naglalayong tuldukan ang mapang-abusong work schemes.
Sa botong 15-0 inaprubahan ng Mataas na Kapulungan sa third and final reading ang panukalang mag-aalis sa labor-only contracting o endo. Sa nakatakdang bicameral conference ay pagtatahiin ng Senado at ng Kongreso ang kani-kaniyang bersyon ng anti-Endo bill bago ihain kay Pangulong Duterte para mapirmahan ito at mapasabatas.
Ayon kay Senator Joel Villanueva, chairman ng Senate committee on labor, employment and human resources, minarapat ng Senado na isulong ang pagwawakas ng endo sapagkat mahigit 1.9 milyong mga manggagawa sa pribadong sektor ang apektado nito. Nasa tatlo sa 10 Pinoy workers ang hindi nagiging regular at isa sa dalawang non-regular workers ang contractual. Batay din sa mga ulat, ang endo ay palasak sa mga industriya ng wholesale and retail trade, manufacturing, food service, at crop and animal production.
“We longed for this day to come, especially our workers who have suffered because of the evils of endo, a practice which corrupts the dignity of labor,” wika ni Villanueva, na principal author at sponsor ng bill.
Sa ilalim ng panukala, papayagan lamang ang labor-only contracting sa mga sumusunod na kundisyon: Ang job contractor ang magsu-supply, magre-recruit, at magbibigay lamang ng workers sa isang contractee; ang mga workers na ibibigay sa contractee ay gagawa ng mga trabahong may kaugnayan sa core business ng contractee; at ang contractee ang may direct control sa mga workers na ibinigay ng contractor.
Nakasaad din sa panukala ang pag-classify sa mga empleyado bilang regular, probationary, project, at seasonal. Ang mga project at seasonal workers ay may parehong karapatan sa regular na empleyado gaya ng minimum wage at social protection benefits sa panahon ng kanilang pagtatrabaho.
“The provision trims down the employment arrangements and addresses the current practice of misclassifying employees to prevent them from obtaining regular status,” wika ni Villanueva.
Pinuri naman ng pinakamalaking labor group sa Pinas, ang Trade Union Congress of the Philipines (TUCP) ang hakbang ng Senado. Malaki umano ang maitutulong ng naturang batas upang palakasin ang productivity ng mga manggagawa, kung saan ang mga employers din naman ang makikinabang dahil pabababain nito ang kanilang production at training costs.
“It means having an experienced and loyal workforce for employers treating their workers fairly. After all, our labor market model should not be sweatshop countries like Bangladesh. By equipping our workers with world-class labor standards, we help them make world-class products,” pahayag ni TUCP president Raymond Mendoza.
INVESTMENTS TATAMAAN NGA Ba?
Sa kabilang banda, nangangamba ang Employers Confederation of the Philippines (ECoP) na maaring bumagsak ang foreign direct investment at local investment sa bansa kung tuluyang ipagbabawal ang contractualization sa bansa.
“We fear that we will lose foreign direct investment and local investment….if you prohibit contracting and sub-contracting, why would investors come here?,” wika ni ECoP President Sergio R. Ortiz-Luis.
Aniya, kung ipagbabawal na ang contractualization, lubhang tatamaan ang industriya ng Business Process Outsourcing na nagbibigay trabaho sa maraming Pinoy.
Ganito rin ang sentimiyento ni Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) chairman George T. Barcelon. Aniya maraming manpower para sa foreign direct investment ang tatamaan dahil short-term contracts ang ipinapatupad dito. ”Foreign Direct Investment will be affected… a lot of exports are seasonal in nature.”
Paliwanag naman ni Villanueva, ang pagtanggal sa endo ay hindi naglalayong ilagay sa alanganing sitwasyon ang mga kumpanya, kundi pagibayuhin pa ang proteksyon ng mga manggagawa ayon sa itinatakda ng Saligang Batas.
“Ending endo is not anti-business. Guaranteeing the right to security of tenure gives our workers certainty and social protection. It makes them more efficient and more productive which is the primary concern of every business. Being pro-worker and pro-industry at the same time is not an impossibility,” iginiit ng mambabatas.
“We listened to the concerns of various stakeholders, and took these into account in putting together this bill. We believe this measure protects the interests of all parties concerned,” wika pa ni Villanueva.