DOH
Nagbabala ang Department of Health sa publiko na mag-ingat sa sakit na sore eyes na uso tuwing mainit ang panahon. Kung sakali na magkaroon ng sore eyes ay pinapayuhan ng DOH na huwag nang pumasok sa trabaho at manatili na lamang sa bahay upang hindi na makahawa pa.
Ayon kay Health undersecretary Eric Domingo, kalimitan naman aniyang gumagaling ng kusa ang sore eyes sa loob ng apat hanggang pitong araw. Pero, hindi naiiwasang naipapasa ang virus dahil sa pagkikipagkamay na ihahawak naman sa mata.
Wala rin namang katotohanan na nakukuha ito sa tingin na ang kailangan lang ay ang tamang paghuhugas ng kamay. Mahalaga rin ang kalinisan sa kapaligiran lalo na at karamihan sa mga Pilipino ay gumagamit ng computer at ballpen na nagkakaroon ng virus.