GAGAWIN lahat ng PDEA katuwang ang PNP at law enforcement agencies para maging matagumpay ang war on drugs hanggang sa pagtatapos ng termino ng Administrasyong Duterte sa 2022.
HINDI magdadalawang-isip ang mga otoridad na batikusin ang entertainment industry kapag may makikita itong nagpo-promote ng illegal drugs.
Sinabi ni Brigadier General Albert Ignatius Ferro, director ng Drug Enforcement Group ng Philippine National Police (PNP) na nagkataon kasi na napanood mismo niya sa isang noontime show ang isang kanta na tila nagpo-promote ng iligal na droga.
Una na ring inihayag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na nais nilang ipatigil ang pag-ere ng kanta na “Amatz” ng Pinoy rapper na si Shanti Dope dahil umano sa pag-engganyo nito ng paggamit ng marijuana bagay na mariin namang itinanggi ng mang-aawit.
Samantala, sinabi rin ni Ferro na sa kanilang tala ay mayroong mahigit tatlumpung bilang ng mga artista ang nasasangkot sa iligal na droga, 2 rito ay pushers habang ang iba ay users.
Ang mga artistang hindi pa pinangalanan ay nasa watchlist na ng PNP at PDEA.
Sa kabilang banda aminado naman ang PDEA na pahirapan ang pagdeklara ng drug free sa mga barangay sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni Director General Aquino na base sa kanilang datos, ang NCR ang may pinakamataas na kaso ng gumagamit ng pinagbabawal na gamot kung ikumpara sa ibang rehiyon na marami nang na-clear na mga barangay.